pluma ni Batang Mapagmasid
Kay gara naman ng aking buhay
Hubog ng pagmamahal na kay kulay
Kay gandang loob ay ginapi
Nang kumulay ang diktang mang-api
Dagitab sa ‘ligid ay kumanyag
Pang imulat ang diwang manlamang
Dakilang lipi’y nabuwag
Pang lunanin ibang layag
Asul at Pula’y kinulapulan
Limang dekadang bitui’y maabot
Mutyang balat na kaloob
Pilit hinugasa’t nilukuban
Ako’y binulag sa matinding kislap
Lumikha ng isipang mapagpanggap
Pagdurusa’y walang katapusan
Habang nasa gitna ng hidwaan
Mga kapatid ko’y nagagalak
Pilit ka nilang tinatangkilik
Sa mga pamana mo’y nahumaling
Mga turo mo’y mapanghamak
O tubig ko, dampian mo
Ang uhaw kong damdamin
O hangin ko, buhayin mo
Ang tulog kong isipan
Ako’y lubha mong pakilusin
Gamit ang kahinahunan
Ako’y lubha mong patayuin
Gamit ang malayang isipan
Ang pag-ibig maging payapa
Mabanaag kislap ng pag-asa
Pag-kakaisa’t pagmamahal sa bayan
Mangibabaw sa lahing karamihan