pluma ni Batang Mapagmasid
Sa aking muling pagpihit ng radyo muling narinig ang ngalang “Juan dela Cruz” sa isang sikat na istasyon. Paulit-ulit na nakita ang pangalang iyon sa peryodiko sa pangunahing agos. Tila isang batingaw at misteryo na bumasag ng aking pananahimik at nag-udyok maglayag tungo sa kasagutan.
Saan mang larangan ng buhay, tila si Juan dela Cruz ang pangunahing bida, mapapampulitika, pangekonomiya, pangedukasyon at panrelihiyon bantog ang kanyang ngalan. Sino nga ba si Juan? nabubuhay ba siya? nakapag-aaral kaya? nakapagtatrabaho? o nakakasabay ko kaya sa aking pagpasok? Anu kayang itsura niya?
Bata pa lamang ako, pirme ko nang nakikita ang isang mamang nakatayo nang matuwid, payat at di katangkaran, suot ay mahabang pantalon, puting barong tagalog naman ang pantaas, may di kalakihang tsinelas, may salakot sa ulunan at kulay san-Antonio ang balat. Ang kanyang mga bisig at palad ay malayang nakabukas at mababanaag ang kasiyahan sa kanyang mukha na taas noo.
Nabasa ko ang isang katwirang pangkasaysayan kung saan nagmula ang taguring Juan dela Cruz sa ating lahi, ayon dito, isang peryodistang Scottish na si R. McCulloch-Dick ng Manila Times (1900’s) ang unang nagbansag dahil sa pangalang pinakamadalas makita sa mga blotter ng pulisya noon. Ang unang imahe ni Juan ay inilathala sa Manila Times noong 1912 na ginihit ni Jorge Pineda, isang Pilipino.
Ang pangalang Juan dela Cruz ay buhat sa isang santong kastila na ang ibig sabihin ay “John of the Cross”. Siya ay nabuhay sa pagitan ng 1542-1591 at dineklara bilang Doktor ng Simbahan. Bantog ang kanyang koleksyon ng sining tulad ng Cantico Espiritual at Noche Oscura del Alma na tinaguriang pinakamahusay na halimbawa ng panitikang mystic ng mga Espanyol.
Ayon sa atas ni Gobernador Heneral Claveria noong 1842, ang mga Pilipino ay dapat magkaroon ng apelyido upang maitala sa rehistro ng Espanya. Dito ay sumibol ang mabirong tanong “sino ang mas higit na maimpluwensya sa lahing Pilipino, ang guardia sibil o ang cura?” Ang apelyidong de los Reyes (of the kings) ay nagmula sa guardia sibil at ang de los Santos (of the saints) ay nagmula naman sa mga prayle. Ngunit ang hindi nakapag-aral na Pilipino ay binibigyang ng alepyidong dela Cruz (of the Cross).
Ayon sa opisyal na talaan, doble ang bilang ng Santoses kumpara sa Reyeses na nangangahulugang dalawampung beses na mas produktibo ang mga cura kumpara sa guardia sibil. Ito ay nagpapakita kung bakit halos bawat bayan ay may mga Santoses at Reyeses na hindi naman magkamag-anak. Ito rin marahil ang paliwanag kung bakit karaniwang de la Cruz ang apelyido sa atin dahil karamihan ay hindi nakakapag-aral sa ilalim ng rehimeng espanya.
Ngunit kataka-takang sa paglipas ng panahon ay tuluyang nabago ang imaheng ito. Bakit Juan ang ikinabit sa sikat na kwentong bayan na “Juan Tamad”? nangangahulugan ba itong tamad ang mga Pilipino? o ito’y isang propaganda sa matagalang pananakop sa lahing Pilipino?
Nagagalak ka sa alamat ni Bernardo de Carpio ngunit kung susuriin, ito ay propaganda na nagtuturo sa mga Pilipinong pasanin ang krus, magtimpi at huwag maghimagsik dahil mayroon silang bayani na magliligtas, unti-unting itong makawawala sa dalawang nag-uumpugang bato at mangunguna sa himagsikan laban sa espansya. (alalahanin ang parte sa El Filibusterismo kung saan sinita ng guardia sibil ang kutsero dahil sa hindi pagkakasindi ng ilaw nito)
Ang Pilipino ay likas na masipag, matulungin, magalang at mapagmahal noong unang panahon pa lamang, ang ating mga ninuno ay kumikilala na sa isang Tagapaglikha na tinatawag nilang bathala. Pinaniniwalaang si bathala ang lumikha ng buhay, kalikasan, hanap-buhay at lahat ng bagay sa kalawakan.
Ang mga katutubo lalo na sa lumang pamayanang Tagalog, sa bukang liwayway sila’y nananalangin kay bathala, gayundin sa takipsilim. May panalangin din sa panahon ng pagtatanim ng palay at nagpapasalamat sa panahon na tag-ani sa biyayang nakamtan, lubhang taliwas sa kwento ni Juan Tamad.
Ganito na nga ba kanegatibo ang bansag na Juan de la Cruz? Dahil ba siya’y patuloy na pumapasan ng krus at naghihirap?
Hinanapan ko ng tugma ang kasaysayan sa kasalukuyan, marahil totoo nga ang mabirong tanong sa pagbibigay apelyido sa lahing kayumanggi, 556 ang may apelyidong Dela Cruz sa aming unibersidad, 132 ang Delos Santos at 98 and Delos Reyes. Mahigit apatnaput-apat na libong mag-aaral mula sa kabuuang bilang nito ang nakabase sa main campus ng Sta. Mesa. Hindi maglalaon, ang mga mag-aaral na nakasandig dito ay siyang mag-aangat sa bayan, ang iba naman ay magpapalubog. Hindi ko alam kung saan ako mabibilang ngunit isa lang ang sigurado ko, hindi tamad ang aking mga kapatid dahil nakikita ko sa kanila ang mukha ng kasipagan at pagsusumikap di alintana ang nararanasang kahirapan.
Ano na nga ba ang itsura ni Juan de la Cruz? Napaisip tuloy ako na baka lagi ko siyang nakasasabay sa pagpasok at pag-uwi. Maaaring nakakausap ko pa, nakalalaro, nakakachat at nakakatext. Biglang pumasok sa aking diwa na hindi nagkakalayo ang karikaturang aking pirmeng nakikita sa aking nakahahalubilo, -siya ay nanatiling payat, di kataasan, kulay san-Antonio pa rin ang kutis.
Napansin ko ang malaking pagbabago, inubos na ang kanyang lakas ng mga dayuhan, marahil nakita nilang si Juan ay walang itinatago sa suot nitong Barong Tagalog na kita ang kanyang panloob. Dati ang kanyang mga bisig ay nag-aanyaya, ang kanyang mga kamay ay nagbabadyang yumakap sa sinumang lalapit sa kanya ngunit ngayon siya ay lupaypay . Ang kanyang kasuotan ay tuluyan ng sinira, binutas at dinumhan. Siya ay hiningal at napagod sa kanyang walang tigil na pagtakbo mula sa manggagahasa hanggang sa mawala ang kanyang tsinelas. Ang suot niyang salakot ay ibinenta at pinalitan ng basahan na nagsisilbing abang pananggalang sa init ng sinag at lamig ng bagyo.
Nakalimutan ko, ako din pala ay si Juan de la Cruz, nagbabalat kayo lang sa malinis at plantsadong damit na aking sinusuot. Nagagawa ko pang sila ay kuhaan ng litrato, ako din pala ay kabilang sa kanila.
0 kumentaryo:
Post a Comment