pluma ni Batang Mapagmasid
Dilim at tala muling naghalo
Hudyat upang layunin maglaho
Sisindihan ang kunwang liwanag
Liwanag na sayo ay bibihag
Sa kanyang kislap ay maaliw
Mayuming awit ay s’yang sasaliw
H’wad na bulong sayo’y mag-iindak
Di kalauna’y s’yang magsisindak
Entablado’y tuluyang bubukas
Manghang-mangha sa telong nagtaas
Baluti n’ya sayo’y maglilinlang
Lilikha ng imaheng kay galang
Iyong mga kamay ay kakampay
Papawi sa kadilimang lumbay
Kikintal ng bagong kaisipan
Sa katawan mo ay s’yang dadagan
Hangging buhay tuluyang titigil
Ang hininga mo ay mapapatid
Dahilan ng ‘yong pagkakakitil
Huli na para iyong mabatid
Iyong mga pilik ay babagsak
Katawan ay biglang lalagapak
Kaisipan mo ay maglalakbay
Ngunit di kailan ang pusong gabay
Sinag ng araw sayo’y tatama
Mahapding sikat magpapaunawa
Hangging sangkap muling magtataglay
Gigising sa diwang naglalakbay
Ito’y sasapi sa dugong banal
Tutulak tungo sa pusong halal
Lilinisin ang isipang lupig
Sasagupain ng may pag-ibig
Maninindingan sa karapat-dapat
Ipagtatanggol ang nararapat
Hindi na muling magpapaloko
Tatanggihan ang mapang-abuso
0 kumentaryo:
Post a Comment