Demo Site

Wednesday, September 1, 2010

Batang Mapagmasid

pluma ni Batang Mapagmasid 














Katauhan ay hinahanap
Sa mga titik kong nilingap
Tanaw ay malayo't malawak
Puhunan ay istilong hawak

Datapwat maliit ang ningas
Apo'y ng damdami'y lalakas
Sa pagtahak ng bagong mundo
Pangalan ko ay magbabago

Madla ay sikap nililinlang
Sa layunin ay nahumaling
Bayan nga ay napapaisip
Misteryo nga ba aking lakip?

Prinsipyo ay ipababatid
Mumulat ng isipang ganid
Ibabahagi tangang ilaw
Aalis sa daang mapanglaw

Ikaw ang tanging inspirasyon
Sa pagsuong sa kahulugan
Kaya huwag ka nang mangamba
Ako ang sayo'y magdadala

Ako'y umalis sa pedestal
Upang ikaw ay ikarangal
Lagi sayo ay magmamasid
Susuri hanggang mamukadkad

Di batid itong kakayahan
Kaloob Niya'y aalagaan
Gagamitin sa nararapat
Tatakda ng bagong alamat

Mag-aahon sa bayang lugmok
Babangon sa lipunang mukmok
Maghihilom sa kanyang kanser
Sa pagtatapos ng batsilyer

H'wag mo nang tangkaing hanapin
Pagkatao ko'y 'yong limutin
Ako'y mananatiling buhay
Gamit titik kong nabubuhay

Laging sayo'y may nakatingin
Mga mata ko'y may mithiin
Natatanaw ko ang 'yong bahid
Pagkat ako ay mapagmasid

0 kumentaryo:

Post a Comment