pluma ni Batang Mapagmasid
Sagana ako sa gawain sa pang araw-araw
Na mas higit kailangan pagtuunan ng laan
Di batid ang mga bagay at kasaysayan
Ayaw tuklasin aking bansang saklaw
Sa lagian kong pagdaan sa monumento
Di alintana ang dalawampu't-tatlong rebulto
Tampok si Bonifacio at Jacinto
Kasama rin tatlong martir na nagpabago
Si Deodato Arellano may panibugho
Andres Bonifacio daw ay mas bantog
Ganung siya ay halal na pangulo
Upang himagsikan tuluyang sumabog
Sa pagpasok ko sa pamantasang bansag
Anastacio Caedo pala ang molde ng Paghahandog
Nakapulot ng peryodikong masugid
Alaala ng nakalipas pilit ipinabatid
8.21 '71 binomba ang Miranda
Siyam ang utas, siyamnapu't lima ang pinsala
Pinalad si batang Ninoy at nakaligtas
Diktaduryang Marcos tuluyang babakas
1983 nang binayad ko ang agila sa tindahan
Singwenta senti'y mali ang imprenta
Habang nakikinig ng balitang putok
8.21 Ninoy tinambangan sa isang putok
Pula na sana paborito ni Tita Cory
Naging dilaw mula sa kantang "Tie A Yellow Ribbon"
Luksa ang bayan, pumawi sa saya ng kahapon
Napipintong himagsikan, kabataa'y nagsasanay
Triong Atenistang APO napag-initan
Sa kanta nilang kritikal sa pamahalaan
"J Rizal BulletproofVest Co." dapat ang ngalan
o "Kataas-taasang Kagalang-galangang Kombo" nalang?
Dugong mapaghimagsik ay nag-alab
Hinanap si Sakay, huling lider na sumuko
Nag-iisa pa lang aktor na katipunero
Isa ring barbero at sastre bago umanib
90's nang si uncle matuklasan ang paraiso
Bininyagan ng "Kafagway" ngayon ay Baguio
'41 unang mapatingala ang Pilipino
Makasaysayang lipad tungong Baguio
Kung di sumalpok ang eroplano ni Ramon
Anu kayang pangalan ng Pinatubo?
Buti nalang nariyan si pareng Carlos
Ngunit siya'y daig ni Trias na bise kahit 'di tapos
Natanaw ko ang dalawang kabayo ng Sunken
Bigla kong naisip si Tisoy, FPJ kanyang hila
Nag-aabang naman si Bonus, hinahanap ang pagkakataon
Mahatid lang sa hantungan hari ng pelikula
Kapal ng tao ay nagpanumbalik ng demokrasya
Sa huling hantungan ni Cory ay nagkaisa
Mapalad ang angkan ng panginoong maylupa
Bawat pagkamatay oportunidad nagbabadya
Sa aking pag-uwi, narinig ang PBCom Tower
Makikita sa panulukan ng Ayala at Rufino, Makati
May kabuuang taas higit 259 metro
Kabilang sa sandaan pinakamataas sa buong mundo
Ako'y muling napadaan sa monumento
Labing-siyam na dekada itong nakaentablado
Maitim dulot ng usok, kinalawang at napabayan
Malayong-malayo sa tunay na tinitingala ng bayan
Hanggang kailang sila nakatirik roon?
Hindi kaya sila napagod kakapose?
Sila ay may kanser dulot ng maruming 'ligid?
Naaalala lang minsan sa isang taon
Pero sikat naman sila, 'di ba?
Sikat na sikat sa tirik ng araw
Gawing tourist attraction ng banyaga
Oh, piktyur, piktyur! 1..2.. tsik tsiw!
0 kumentaryo:
Post a Comment