Demo Site

Wednesday, September 1, 2010

Pasig Ngayo'y Umaapaw

pluma ni Batang Mapagmasid


Walang humpay kanyang pag-ulan
Patak niya’y mula sa kawalan 
Dadaloy sa lalamunang tuyo
Sa bisig ko’y magpapatayo

Sasanib sa pulang malabnaw
Dadaan sa pusong uhaw
Aakyat sa utak na hilaw
Pipintig sa pulsong mababaw

Tubig ay muling magbabalik
Sa pinanggalingang kay hitik
Tungo sa ibig niyang mahangad
Tungo sa ilog na banayad

'Yong ilog na bukal ng buhay
Dahan-dahan mong pinapatay
Sayong paglilinis ng kulay
Kaanak mo’y s’yang kinakatay

Nagsalita na ang panahon
Patuloy ka nang ikakahon
Daanan mo’y kumikipot
Tuntungan mo’y kumikitkit

Sa himbing nang pagkakatulog
Ang diwa mo ay kinakabog
Sa kadilimang mahiwaga
Sa kaliwanaga’y nawawala

Takip silim muling nagsapit
Ikaw ay lalamuning pilit
Sa buhos ng ulang kaylupit
Mga kamay mapapakapit

Lingid sa iyong kaalaman
Buhay na baino s’yang pain
Burak sayo’y maglulubog
Lulunod sa katawang lamog

Ika’y gigisingin sa hinaw
Pakikilusin ko ng ginaw
Duming itinapon ng dugo
Kukulapol s’yong panibugho

Salok ng bayan ay napuno
Lalamunin 'tong bayang ligaw
Ilulubog sanlibong pulo
Pasig ngayon ay umaaapaw

0 kumentaryo:

Post a Comment