Demo Site

Wednesday, September 1, 2010

Wika ng INKorporasyon

pluma ni Batang Mapagmasid















Ngarap kong umakyat sa mataas na bundok
‘Pang humayo sa lipunang busog ng usok
Ako’y makahihinga ng maluwalhati
Mangibabaw sa sosyedad na naghahari

Tinik ng halamang ligaw ay sumalubsob
Likidong hahalo sa aking abang dugo
Lason ay unti-unting dadaloy sa dibdib
Di maglaon ay dumihan ang aking ulo

Umapak na ang kayumanggi sa tatsulok
Pinantayan ang mayaman at maralita
Kung saan wangis ang mataas at mababa
Naranasan ang katahimikan at lugmok

Kita ang lipon ng karbon sa atmospera
Buhos ang banta sa lungsod na may sistema
Likidong mahapdi ay bubutas sa kalupaan
Kukulay ng burak na itim sa kailugan

Nanibago at nabingi sa katahimikan
Hinahanap ang kaanib upang kwentuhan
Ngunit walang mahagilap na kaibigan
Nasaan na ang aking bagong henerasyon?

Napasulyap sa kapatagang malinggal
Banaag ang dinamikong paggalaw
Hinatak ng siyudad na maaliw-iw
Pagkat di matukoy tunay na kriminal

Sa aking pagbaba bumulabog ang diwa
Layuning 'di winika ang mula at sala
Hatid ng matayog na metal at salamin
Mataas na palapag siya ay humihimpil

Higit na mayabong sa wikang dayuhan
Nilukuban nang limang dekadang butuin
Akala’y pag-asang mag-aalpas
Wika’y inalipin, dinungisan yamang likas

Iaangat ang tubig at lupa’y magsabaw
Matayog ang tanggapan upang masdan
Sa gabi’y ilulubog ang aking bayan
Sa umaga’y magpapaangat ng tubig

Kay bigat ng suliraning aking kaloob
Wika ko, gisingin mo ang tulog kong loob
Mulatin ako sa tunay kong kalikasan
Pakilusin mo ang damdaming makabayan

0 kumentaryo:

Post a Comment