Demo Site

Wednesday, November 24, 2010

Kaloob

sa pluma ng Batang Mapagmasid 

http://www.safedev.com/uploads/100915/1-1009151F141520.jpg
ITO ang natatanging salita na maaring magpalaya sa lahat buhat ng anumang bigat at sakit ng buhay: Ang salitang Pag-ibig (pangngalan) o Pagmamahal (pandiwa). Isa na marahil sa pinaka-inaabusong salita sa mundo sunod ng salitang “patawad”. Sa pagkakataong ito, aking ibabahagi sa unang pagkakataon ang ilang niloloob sa anggulo ng pag-ibig. Ang pag-ibig ay hindi kailanman naging solong pakiramdam sa kanyang sarili, ngunit ito ay isang damdaming nabubuo sa pagitan ng dalawa o higit pang mga damdamin. Isa sa salitang pinakamadaling ihalintulad sa digmaan, maniwala man tayo o hindi. Pag-ibg ang isa sa pinakamadaling bagay upang simulan, ngunit pinakamahirap talikdan o hilumin. Ito ay mga hindi mapaglabanang pagnanais na hindi maikukubli. Higit na malinaw sa tatlong salitang (I Love You) na ating binibitawan sa ating mga nililigawan. Ang pag-ibig ay kaakibat ng gawi o debosyong dalisay sa mga bagay na kinagawian sa pang araw-araw.

Ang pag-ibig ay maihahalintulad sa sulyap kung ano ang magiging langit para sa atin. Dapat tandaan na ang pag-ibig ay laging ipinagkaloob bilang isang regalo – Malaya, kusa at hindi nagtatakda ng espektasyon, hindi tayo umiibig para mahalin, tayo’y umiibig dahil tayong nagmamahal. Kapag sinabi mo ang katagang “Mahal Kita,” siguraduhin mong ito’y paninindigan at handa mong gawin ang anuman at lahat para sa iyong minamahal. 

Hindi ka dapat umasa sa anumang kapalit habang nagmamahal. Kapag ikaw ay nagbahagi nito, tandaan na hindi ito gagarantiya sa anumang kapalit. Pag-ibig para sa kapakanan ng pagmamahal, at iyong mapagtatanto na ang bawat isa ay may iba’t ibang paraan nang pagpapakita nito. Maaring mawala ang mahal mo, ngunit ito ay nagbibigay daan sa lalong pagpapahalaga sa kung anong meron ka. Alalahanin na may libu-libong nagnanis sa iyong sapatos ngunit ‘di ganap na pinalad matagpuan ang tunay na pag-ibig. Kaya pahalagahan ang mga sandali at huwag baliwalain ang ipagnakaloob.

Ito ay hindi tungkol sa paghahanap ng taong makakasama lamang, ngunit isang pagtatagpo sa isang taong angkop sa’yo at panatag ka. Kung hindi magawang mahalin ang iyong sarili, paano mo magagawang magmahal ng iba? Huwag ihambing ang iyong damdamin sa kung ano ang iyong ginagamit upang pakiramdaman ang isang tao. Ang lahat ay maaring makaranas ng pagtanggi sa gitna ng pag-ibig, ngunit maaring magsilbing daan ito sa tunay na pag-ibig. Ang lalaki at babae ay pantay sa paningin ng Diyos ngunit magkaiba sa aspeto ng kalikasan. Ang taong tunay na nagmamahal ay kayang magbigay espasyo sa kaniyang kapareha, kahit hindi niya nais na gawin ito. Minsan ang pag-ibig ay siyang kailangan upang punan ang huling piraso ng suliranin sa ating mga puso.

Ang nagmamahalan ay hindi ipinagpipilitan ang paraan ng isa ang pinakamahusay dahilan upang magsakripisyo ang isa, bagkus pinupunan nila ang gusot tungo sa ikapapanatag ng parehong panig. Hindi sinasamantala ang kahinaan at kabiguan ng isa, ngunit nakibabahagi sa nadarama ng isa. Umiyak kung ang isa ay malungkot, ngunite dahil ang isa ay maligaya. Laging makatatagpo ng suliranin sa pag-abot ng tunay na pag-ibig, ngunit huwag hayaang ang problema ang sumira sa kaligayahan, sa halip ito’y magsilbing pag-asa. Matutunang lagpasan ang problema’t pagdududa at mapagtanto na kahit anung suliraning ay inyong malalagpasan, ang inyong pag-ibig ay magsisilbing daan. Ang tunay na pagmamahal ay nagpapabago ng puso sa ‘di inaasahang pagkakataon at gawi. 

Ang pagtamo ng tunay na pamamahal sa kasalukuyang mundo ay maaring lubhang napakahirap at isang misyon nakaatang sa mga nakahandang lumaban para sa lahat at anumang bagay upang manatili ang kanilang pag-ibig. Ang pagmamahal ay susubok sa iyong limitasyon, itutulak ka hanggang sa iyong hangganan, ngunit maging iyong huling dahilan upang sabihing nagkakahalaga ang iyong buhay sa mundong ibabaw. At oras na maranasan mo ang tunay na pagmamahal, ang natatatanging bagay na magwalay sa inyo ay ikaw at mananatiling ikaw.
 "Though love abounds, true romantic love is very rare. True love is not only about feelings but it also relates to actions. The feeling is just feeling, which rises and falls in due course of time. True love is doing what is kind and unselfish. So we can choose to love. Our yardstick of love should be agape or selfless love or unconditional love."  

quoted from: http://hubpages.com/hub/Lovems0321

Tuesday, November 2, 2010

Sagwil


ng Batang Mapagmasid

















Hindi mo ba naririnig
Nakabibinging hiyaw at daing
Tangkain mo kayang tanggalin
At sa kanila ay ibaling

Upang iyong makita
Ang mga walang makita
Sapagkatl iyong binulag
Sanhi ng kanilang paglabag

Ika’y kanilang tinititigan
Sikapin mo kayang malasin
Hindi ba’t masakit sa mata?
Na mahapdi sa diwa?

Ano iyong ginagawa?
Kundi isawalang bahala
Bumili ng maipagyayabang
Bituka nama’y nahahalang

Puno ka ng kinang sa balat
Ngunit kaluluwa ay salat
Bakuran ay bundok na kalat
Sa puting mapagkunwa sa lahat

Upuan ayaw padapuan
Agawan sa ‘di kalayuan
Ipinipirme sa kaharian
Nakaw pala sa mamamayan

Sa pagkatulog ay mambubulabog
Patalim sayo ay gugulong
Sa kahon ika’y mahuhulog
Suot ang magarang barong

Ihihimlay sa kwadradong rehas
Sila’y muling mangangahas
Kunin pabaon sayong alahas
Para may pambili ng gatas

Mataguyod lang kanyang anak
Sa pamilya mo’y tatarak
Ikaw ang nagbahid ng burak
Sa lahi mong malawak

Monday, October 25, 2010

Isang Simbahan

 sa pluma ni Batang Mapagmasid

Sinabi ni Hesus sa Kaniyang Simbahan ay “Ang ilaw ng sanlibutan.” Sinabi Niyang ito’y “Isang lungsod na nakatayo sa isang burol na hindi maaring ikubli” (Mateo 5:14). Ito ay nangangahulugan na ang Kaniyang Simbahan ay isang nakikitang institusyon. Ito ay dapat may katangian na malinaw na makilala ng mga tao at makilala ang kaibahan nito sa iba pang mga simbahan. Ipinangako ni Hesus, “Itatayo ko ang aking Simbahan at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban dito” (Mateo 16:18). Ito ay nangangahulugan na ang Kanyang Simbahan ay hindi nasira at hindi kailanman mawawalay mula sa Kanya. Ang Kanyang Simbahan ay matitira hanggang sa Kanyang pagbabalik.

Kabilang sa mga Kristiyanong simbahan, tanging ang Simbahang Katoliko ay umiiral buhat sa panahon ni Hesus. Bawat iba pang mga kristiyano iglesia ay isang sangay ng Simbahang Katoliko. Ang Eastern Orthodox ay humiwalay sa mga papa nong 1504. Ang simbahan ng Protestante ay itinatag noong panahong ng Repormasyon, na nagsimula noong 1517. (Karamihan ng Protestanteng simbahan ngayon ay mga tiwalag sa orihinal na Protestanteng tumaliwas sa Simbahan.)

Tanging ang Simbahang Katoliko ang umiiral noon pa mang ikasampung siglo, sa ikalimang siglo, at sa unang siglo, matapat na nagtuturo sa mga aral na ibinigay ni Kristo sa mga apostol, walang tinanggal. Ang linya ng mga papa ay maaring balikan, walang putol sa saksesyon, mula kay Pedro ang kanyang sarili. Ito ay walang katulad sa pamamagitan ng anumang institusyon sa kasaysayan.

Kahit ang pinakamatandang gobyerno ay bagong kumpara sa kapapahan, at ang simbahan na nagpapadala sa bahay-bahay ng mga misyonero sa kabataan kung ikukumpara sa mga Katoliko. Marami sa mga iglesia ay nagsimula kamakailan sa ikalabing siyam o ikadalawampung siglo. Ang ilan ay nagsimula na sa iyong pagkabuhay. Wala sa mga ito ang maaaring magsabing sila ang tunay na Simbahang itinatag ni Kristo.

Ang Katolikong Simbahan ay umiiral simula pa halos 2,000 taon, sa kabila ng tuluyang pagsalungat mula sa mundo. Ito ang patotoo sa banal na pinagmulang ng Simbahan. Ito ay dapat na higit sa isang tao lamang sa organisasyon, lalo na isinasaalang-alang ang kanyang karapatang-kasapi kahit na ilan sa mga pinuno nito ay hindi mabuti, mapanlamang, magnanakaw o nakadapa sa maling pananampalataya

Anumang organisasyon ng tao ay nasisira ng maaga. Ang Katolikong Simbahan ngayon ang pinaka laganap at pinakamalaking simbahan sa mundo na may bilyong miyembro: 1/6 ng sangkatauhan), at patunay ang mga maraming kamalian ng pinuno nito ngunit nanatiling matatag dahil sa pangangalaga ng Banal Espiritu.

Apat na marka ng tunay na Simbahan

Kung nais natin hanapin ang Simbahang itinayo ni Hesus, kailangan nating tukuyin ang isa sa apat na punong marka o katangian ng Kanyang Simbahan. Ang Simbahan ay isa, banal, katoliko, at apostoliko.

Ang Simbahan ay Isa (Roma 12:5, Cor 10:17, 12:13, CCC 813-822)
Itinatag ni Hesus ay isang Simbahan lamang, hindi isang koleksyon ng iba’t ibang iglesya (Lutheran, Baptist, Anglican, at iba pa). Sinasabi ng bibliya ang Simbahan ay asawa ni Kristo (Eph 5:23-32). Si Hesus ay maaring magkaroon ng asawa, at ang Kaniyang asawa ay ang Simbahang Katoliko.

Ang Kanyang Simbahan ay nagtuturo din ng iisang lupon ng doktrina, na dapat parehas sa mga itinuturo ng mga apostoles (Jude 3). Ito ay pagkakaisa ng paniniwala sa bibliya na tinawag tayo (Phil 1:27. 2:2)

Kahit ang ilang mga katoliko ay hindi sang-ayon mula sa opisyal na aral na itinuturo, ang mga opisyal na guro ng Simbahan –Mga papa at mga obispo ay kaisa sa Kanya –na hindi kailanman nagbago ang doktrina. Sa paglipas ng siglo, ang mga doktrina ay masusing pinag-aaralang ganap, ang Simbahan ay dumating upang maunawaan at ipaunawa ang mga ito sa mas malalim (Juan 16:12-13).


Ang Simbahan ay Banal (Eph 5:25-27, Rev 19:7-8, CCC 823-829)
Sa pamamagitan ng Kaniyang biyaya, itinatag Niya ang Simbahang Banal, tulad Niyang banal. Ito ay hindi nangangahulugan na ang bawat miyembro ay palaging banal. Sinabi ni Hesus na doon ay may parehong masama at mabuting mga kasapi ng Kanyang Simbahan (Juan 6:70), at hindi lahat ng miyembro ay pupunta sa langit (Mateo 7:21-23).

Pero ang Simbahan mismo ay banal dahil ito ay ang bukana ng kabanalan at ang tagapag-alaga ng mga espesyal na biyaya na itinatag ni Hesus, ang mga sakramento (Eph 5:26).


Ang Simbahan ay Katoliko (Matt 28:19-20, Rev 5:9-10, CCC 830-856)
Ang Simbahan ni Jesus ay tatawaging “catholic” (“unibersal” sa Griyego) dahil ito ay kanyang regalo sa lahat ng tao. Sinabi Niya sa Kanyang Apostol na pumunta sa buong mundo at gumawa ng mga alagad ng “lahat ng bansa” (Mateo 28:19-20).

Sa loob ng 2,000 taon ang Simbahang Katoliko ay isinasakatuparan ang misyong ito na ipangangaral ang mabuting balita na si Kristo ay namatay para sa lahat ng tao at gusto Niya ang lahat ng sa atin ay maging miyembrp ng kanyang sanlibutang pamilya (Gal 3:28)

Patunay na sa panahong ito, ang Simbahang Katoliko ay matatagpuan sa bawat bansa ng mundo at magpapalaganap ng mga misyonero upang “gumawa ng mga alagad ng lahat ng bansa” (Mateo 28:19)

Ang simbahan na itinatag ni Hesus ay kikilalanin sa ngalang “Ang Katolikong Simbahan,” hindi bababa sa taong 107, nang ginamit ito ni Ignatius of Antioch upang ilarawan sa Simbahan ni Hesus. Ang bansag na ito sinaunan na noong panahon pa lamang ng mga apostol.


Ang Simbahan ay Apostoliko (Eph 2:19-20, CCC 857-865)
Ang Simbahan ni Hesus ay itinatag biang apostoliko dahil Siya ay nagtalaga ng mga apostol na magiging unang lider ng Simbahan. Ang mga apostol ay mga unang Obispo, at simula noong unang siglo nagkaroon ng walang putol na saksesyon ng mga obispo katoliko na matapat na nagpapahayag ayon sa turo ng mga unang Kristiyano at sa mga bibig tradisyon (2 Tim 2.02)

Ang paniniwalang ito ay ang Muling Pagkabuhay ni Hesus, Ang tunay na presensya ni Hesus sa Eukaristiya, ang sakripisyo sa banal na misa, ang kapatawaran ng mga makasalanan sa pamamagitan ng mga pari, binyag pagbabagong-buhay, ang pagkakaroon ng purgatoryo, ang mahalagang papel ni Maria, at marami pang iba-kahit na ang doktrina ng apotolik saksesyon.

Pinatunayan ng mga tala ng unang kristiyano ay totoong katoliko sa paniniwala at gawi at sila ay naniniwala sa saksesyon ng mga apostol bilang kanilang pinuno. Ang pinaniniwalaan ng mga naunang kristiyano ay ating pinaniniwalaan magpahanggang sa ngayon. Walang simbahan ang maaring umangkin noon.

kredito: http://en.allexperts.com/q/Bible-Studies-1654/Secrets-Catholic-Church.ht

Friday, October 22, 2010

Kontrasepsyon, sa Aking Perspektibo

sa pluma ni Batang Mapagmasid

Ang kontrasepsyon ay hindi na bago, ayon sa tala ng kasaysayan ang mga lumang tao ay gumagamit ng iba’t ibang paraan sa pagkontrol ng kapanganakan apat na libong taon na ang nakaraan. Sila ay umiinom ng posyon na sanhi ng pansamantalang pagkabaog; gumagamit sila ng linen; balahibo ng tupa o balat ng hayop bilang pamamaraan panghadlang; sila’y nagpapahid sa matris ng lason upang panatilihin ito mula sa pagdadala ng buhay. Ang mga Romano ay gumamit ng kontrasepsyon, ngunit ang mga unang Kristiyano ay hindi yumakap sa paganong kultura at tinanggihan ang paggamit nito.

Kinokondena ng bibliya ang nasabing gawain (Gen. 38:8-10), gaya ng ginawa ng lahat ng Kristiyano bago ang taong 1930. Sa panahon ng mga Anglikano Iglesia ay nagpasyang payagan ang kontrasepsyon sa ilang mga sitwasyon. Di naglaon sinundan ito ng mga protestateng denominasyon. Ngunit ang Katolikong Simbahan ay nanatili sa doktrina ng makasaysayang Kristiyanismo. Ngunit bakit? Bakit ang simabahan ay nanatili sa lumang doktrina?

Ang modernong mundo ay may problema sa pag-unawa sa tindig ng Simbahan sa pagbubuntis dulot ng modernisasyon na nagpapalimot sa tunay na layunin ng pakikipagtalik. Ito ay hindi lubos nauunawaan ng bagong tao. Hinahangad niya ito, pinapangarap, inilalarawan, ibinibigay ang buong pag-iisip, iniisip na ang pagkikipagtalik ay isang mapalad na gawin; nakikita niya na lahat ng kanyang problema ay masusulosyunan ng isang problema kung saan makakakuha siya ng pinaka-kasiyahan sa labas ng mga ito.

Ngunit dapat nating isaisip ang mga bagay na ito. Sino ang nag-imbento ng sex? Ano ang sex? Ano ang kanyang layunin? Gaano ito kahalaga? Para sa mga Kristiyanong kagaya mo, ang Diyos ay siyang nag-imbento ng sex. Dahil siya ang nagbigay nito, Siya ay may awtoridad na tukuyin ang layunin at kahulugan nito. Diyos ang nagsiwalat na ang layunin ng sex ay pagpapadami at pagsasama. Sa araw ng mag-asawa, ang pagtatalik ay kahalintulad sa panata at pangako sa isang kasal na isinakatuparan ng laman. Sa araw ng kasal, pangako nila na ang pagmamahal ay libre, tapat, at bukas sa buhay. Ang bawat pagkilos ng pagtatalik ay pagpapanibago ng kanilang panata.

Ang ilang magkapareha ay nagsasabing sila ay bukas sa buhay ngunit gagamit ng kontraseptibo sa pagitan ng mga bata. Sa ibang salita, sila ay ganap na bukas sa buhay maliban na lamang sa kanilang responsibilidad matapos ang pagtatalik. Paano na lamang kung ganito ang mentalidad sa iba pang bahagi ng kanilang kasal-panata.

Maaring bang sabihin ng asawa na siya ay tapat habang wala siyang kalaguyo? Masasabi niya bang maibibigay niya ang kanyang sariling ganap sa kanyang asawa habang siya ay mayaman? Masasabi ba ng lalaki na ang pakikipagtalik ay libre maliban kung ipupwersa niya ang sarili sa kanyang asawa? Ang lahat ng ito ay walang katotohanan, ngunit ang mag-asawang gumagamit ng kontraseptibo ay pinasisinungalingan ang kanilang sariling panata na sila ay magiging bukas sa Diyos –ang regalo ng buhay. Kapag dumating ang puntong ito, sila ay natatakot kung ano ba ang ibig sabihin ng sex.
Ngunit ang pakikipagtalik ay higit sa isang panata sa kasal na ginawang laman. Ito din ay salamin ng mga nagbibigay-buhay pag-ibig sa Trinitaryo. Sa bibliya, ang babae at lalaki ay hindi ginawa upang mangalaga lamang ng mga uri ng hayop, ganun din ang mga hayop. Ang tao ay tinawag upang maging imahe at wangis ng Diyos, ito ay nagpapahayag sa ating katawan, ang mukha ng Diyos ay ang pagmamahal.

Hangad ng Panginoon sa atin ay magmahal tulad ng pagmamahal Niya sa atin na nakatatak sa ating pagkatao, kaya isang tanong ang dapat nating tanungin kapag pumasok ang sekswal na moralidad: “Ako ba ay nagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos sa aking katawan o para lamang sa aking sariling interes?” kapag ang isang mag-asawa ay ginawa ito, nagiging sila ay ganap –isang imahe ng tunay na pag-ibig –at sa pamamagitan nito isinasakatuparan nila ang pagmamahal ng Diyos sa mundo. Ang pagkilos na nagbibigay-buhay pag-ibig sa pagitan ng mag-asawa ay sumasalamin sa pag-ibig ng Diyos sa kanyang simbahan tulad ng sinasabi ng Bibliya na ang Simbahan ay asawa ni Kristo (Eph 5:23-32). Ating tanungin sa ating mga sarili: “Isinasaalang-alang ba namin ang relasyon ni Kristo at ng kaniyang Simbahan na aming kinabibilangan?, saan papasok ang kontrasepsyon sa relasyong ito? Ano ang kontrasepsyon sa pag-ibig ni Kristo?

Lingid sa teolikong implikasyon, dapat nating isaalang-alang ang mga kahihinatnan ng kontrasepsyon sa lipunan. Kapag ito ay kumalat sa ‘ting bansa, ito ay maaring mas puminsala at pahirapan ang mga relasyon mag-asawa. Dadami ang pagtataksil dulot nang walang kapangambahan sa pakikipagtalik sa labas ng tahanan dahil inaalok nito ang madaling paraan upang matakasan ang masamang dulot ng pakikipag-apid, bababa ang moralidad sa lipunan, dadami ang relasyon sa kapwa kasarian dahil mababawasan ang takot sa sakit na maaring makuha rito. Ang Simbahan ay natatakot na abusuhin ito lalo na ng mga kalalakihan, maaring bumaba ang tingin sa mga kababaihan, at hindi na maalagaan ang kanyang pisikal at sikolohikal na aspeto, maaring dumating ang punto na ang tingin sa mga kababaihan ay pansaraling parausan, at hindi na tulad ng kanyang iginagalang at minamahal na kasama, lalong dadali ang proseso ng deborsyo, marami ang batang magiging produkto ng nasirang pamilya.

Napakasarap sabihin sa iyong asawa na nagawa mong magtimpi at alagaan ang iyong sariling katawan sa kabila ng libu-libong gumamit ng kontraseptibs at nakikipagtalik ng maaga. Napakaswerte siguro nang iyong mapapangasawa dahil inihanda mo ang iyong sarili sa takdang panahon na ibabahagi mo ito sa kanya -walang pag-aalinlangan kung gagamit ka ba ng kontraseptibs dahil NANINIWALA ka na malinis siya dahil nagmamahalan kayo.


Bukod dito, ang mga tao ay maaring ihiwalay ang paggawa ng pagmamahal mula sa paggawa ng buhay (kaya ipinagbabawal ang homosekswal at masturbesyon). Sa pamamagitan ng pagtaas ng kontraseptibs, ito ay magiging unting mahirap na makita na ang pakikipagtalik ay simbolo ng pag-ibig ng Diyos. Hindi maipaghihiwalay ang pagmamahal sa paggawa ng buhay tulad ng ginawa ng Diyos sa atin.

Ang ilan ay nagsasabing ang Simbahan ay pumipiil sa kalayaan ng mga kababaihan. Gayunman, ang maasim na bunga ng kontraseptibo ay “Kalayaan” ito ay maling kahulugan ng kalayaan. Kalayaan upang talikdan ang pagmamahal sa aking asawa?, kalayaan upang talikdan ang aking responsibilidad sa aking mga anak? Kalayaan upang abusuhin ang aking kakayan sa pakikipagtalik? Kalayaan upang itiwalag ang aking pananampalataya sa Maykapal? Isaalang-alang ang mga sumusunod na tanong sa akin ng isang batang babae: “Ako ay 21-taong gulang na liberal na gumagamit ng Pill ng dalawang taon. Ito ay masyadong mahal na sa tingin ko ang aking kasintahan ay dapat ibahagi ang kalahati ng gastos, ngunit natatakot akong talakayin namin ang pera.” Ang tunay na problema sa likod ng mga inaaping kababaihan ay kawalang paggalang sa kanila ng kalalakihan bilang tao, kontrasepsyon ay isang siguradong paraan upang panatilihin ang mga kababaihan sa tanikala.

Ang mga naunang peminista ay taliwas sa paggamit ng kontraseptibs dahil sa kadahilanang ito, at ang ibang modernong peminista ay napagtatanto na ang kaaway ng liberasyon ng mga kababaihan. Gayundin, ang mga antropolohiya na nag-aral sa pinagmulan at pagkasira ng sibilisasyon ay nagsabing ito’y dulot ng pakikipagtalik sa labas ng tahanan at hindi pagtalima sa kabutihan ng kasal kaya ang pamilya ay nagsisimulang gumuho. Kung gusto mong sirain ang lipunan, h’wag mong sirain ang gobyerno, sirain mo ang pamilya at tiyak na masisira ito.

Kaya ang Simbahan ay hindi nag-aatubili na ituro ang malawak na implikasyon ng kontraseptibo. Ang pag-ibig sa pagitan ng asawa sa asawa ay ipinagbubuklod ng Kasal. Isang matibay na kasal na may panata at pangako tungo sa matibay na pamilya –na siyang pundasyon ng lipunan. Ayon sa Simbahan, “Ang kinabukasan ng sangkatauhan ay pumasa sa pamamagitan ng paraan ng pamilya.”

Ang pagsasabatas ng paggamit ng kontraseptibs sa ibang bansa ay nagdulot ng maraming sirang pamilya, dumami at napadali ang diborsyo, lumala ang sakit dala ng pakikipagtalik, pagbaba sa kasal ng lalaki at babae at pagtaas ng mga kinakasal sa parehong kasarian, bumaba ang moralidad, pag-abuso sa mga kababaihan. Ito ba ang nais mong bansa? Isang kanser sa sibilisasyong ito?

Sa panahong mainit ang pagpasa ng RH Bill, naglalaban ang kolonyal imperyalismo ng  Amerika at Katolisismo sa Pilipinas. Ang pagyakap sa artipisyal na pamamaraan o pagtalima sa relihiyong ating kinagisnan ang nag-uumpugan. Nahihirapan tumimbang ang mga Pilipino dahil tayo ay likas na mapagmahal sa pamilya, maaruga sa magulang at magalang sa mga kababaihan na turo ng relihiyong dinala ng mga espanyol.

Parehong may mabuti at masamang maidudulot kung maipasa man ang RH bill, ngunit ang nakikita ko ay mas mananaig ang masamang dulot kumpara sa mabuti lalo na sa usaping moral. Nahahalina lamang tayo sa magandang pangalan ng Reproductive Health Bill, atin munang basahin ang kabuuan ng kartel at magpasya.


Pag-ibig ang dahilin kung bakit.

Tuesday, September 28, 2010

Kayumangging Makata

 sa pluma ng Batang Mapagmasid

Ang mundo’y napapatunganga
Mga akdang nagpapahanga
Sa mga letrang tanikala
Karaniwa’y tinutuligsa

Suri ng matang mapagmasid
Tulak ng diwang mapagbatid
Sa rurok ng bayang makitid
Karunungan ang hinahatid

Sa kanyang muling paglathala
Ang lipuna’y nababagabag
Babaguhin sistemang labag
Tungo sa tunay na Bathala

Akala’y pusong nahihimbing
Gamit ang anyong mapanghumaling
Nagtatago sa kayumanggi
Makabayan pala ang tangi

Sino ang makapagsasabi
Lipi ay nananantabi
Nais lamang ng bahaghari
Sa tatsulok na naghahari

Ngunit siya ay nanatili
Sa buhay na napakaikli
Sino ang makapanghuhusga
Sa kadakilaan ng makata

Monday, September 27, 2010

Perlas ng Silangan

sa pluma ng Batang Mapagmasid

 















Ako’y napatitingin
Tayo ‘tong naghahangad
Sa perlas ng silangan
Nagkalat sa siyudad

Marino’y hinahanap
Sa pusod ng dagat
Ngunit ‘di mahagilap
Nakaangat sa alat

Mula sa kalikasan
Na inukit ng tao
Sa makinang dayuhan
Tungo sa dugong ibayo

Marami ang mayaman
Palasak sa mahirap
Sila’y nag-aagawan
Kanilang nilalasap

Bantog ang batong hiyas
Ngalan ng lahing gilas
Sakit ngayon ng bayan
Kanser ng mamamayan

Akala’y ginintuan
Ang batong balaksila
Patuloy lumalala
Ang h’wad na kayamunan

Sinong Makapagsasabi

ng Batang Mapagmasid

Sinong makapagsasabi
Na ikaw ay natutulog
Sinong makapagsasantabi
Na ikaw ay nahuhulog

Sinong makapanghuhusga
Na ika’y nanahimik
Sinong magwawalang bahala
Nang puso mong nanabik

Muling ika’y susuungin
Nang mapagbantang lipunan
Muli kang hahagupitin
Yaong latigong laruan

Ikaw ay masusugatan
Ng pamalong walang talim
Pisngi ay mababahiran
Peklat sa mukhang kay lalim

Paningin mo’y ipipiring
Bukana ay bubusalan
Upang hindi makadaing
Mahayag tigib ng damdamin

Maririning kanilang huni
Himig sa plakang nagkukubli
Ang kanilang mga yabag
Sayo’y nagpapabagabag

Lipi mo’y makaaalpas
Sa rehas na kalawangin
Hanapin ang butas at hangin
 ‘Pang ikaw ay makalabas

Ngunit sila’y nakaabang
May matang nakapananakit
Katawang puno ng peklat
Ninanais kang mapabilang

Sa huwad na entablado
Pagkatao mo’y ikikiling
Prinsipyong ipaglalaho
Sabihing ika’y nahihimbing

Monday, September 13, 2010

Kordero ng Lunduyan

Maikling kwento sa pluma ni Batang Mapagmasid
 
Monumento

Ito’y sasapi sa dugong banal
Tutulak tungo sa pusong halal
Lilinisin ang isipang lupig
Sasagupain ng may pag-ibig
-Batang Mapagmasid, Man Lamang

Natatangi ang bagong tayong bantayog na tila kinulapulan ng ginto’t pilak sa kinang na tinitingala ng bawat dumadaan sa lunduyan ng Plaza Salve. Halatain ang kumpol ng mga nagmamadaling tao na naglalakad tungo sa kawalan, kapansin-pansin ang mga patapong piraso ng tablang ginamit sa konstruksyon, maalikabok, mabitak, masalubsob at maputik na pinagdudugtong ng mga kalawanging pako. Sa kabilang dalisdis mababanaag ang mga batang naguumpukan na kung susuriin ay sinisimot ang mga bakal na nakasuklob sa malamig at magaspang na sementong binukbok nang panahon.

Sa bawat paghulog ng barya ay maririnig ang kalansing kasabay ang gumigiling na bituka, laway na pilit nilulunok pamatid uhaw sa nagdaang araw. Kakaawaan siya, bibigyan, kagagalitan at dahan-dahang kukulay sa tila labanos niyang balat. Sa simula siya’y isang alikabok na pilit didikit sa damit ng publiko ngunit ‘di kalaunan siya’y kagigiliwan, pakakainin, bibihisan, paliligayahin at tutustusan na uukit sa kanyang pagkatao.

Sa simula, siya’y isang kalansay at tuyong lupang kumakapit sa sapatos. Pagyayamanin, didiligan ng pawis at dugo. At siya’y magtatayo nang buong tatag, lakas at tibay samantalang ang paanan niya’y lugmok, lupaypay, sugatan, duguan na magpapabalik sa dati niyang kupas at dumi.

Siya ang batang karaniwang makikita sa paaralan ngunit lumilitaw ang maaliwalas niyang balat na tila sinakluban ng lilim sa kanyang paglaki. Buhok na maalun-alon, labing kulay sariwang karne at mga matang matalas ngunit inosente.  Patpatin at kasing taas ng dram kung tumindig. Ngunit wala siya sa paaralan. Kinakatawan niya ang maduming pamayanan ng San Felipe, isang nagpapanggap na sibilisadong lungsod na pinamamahayan ng nagtataasang Call center buildings. Mamalas ang butas niyang de-gomang tsinelas na kapwa magkaiba ang laki at kulay. Sa lunsod nangupas ang pantalon at pantaas na maiwawangis sa maduming basahang bahay.

Isang hapon ng Disyembre 2019, nagising siya sa paanan ng kwadradong yerong nakaparangalan sa bakod ang “In this site, we will unveil the San Felipe monument. Another priority project of Mayor dela Cruz, Eduardo and the City Council”. Hagibisan ang mga magagarang kotse na bumibingi sa lansangan dulot ng ‘di magkamayaw na busina. Sinilip niya sa kabilang tingin ang nag-uunahang tao sa pagbaba mula sa San Felipe LRT station na sabik pumunta kani-kanilang destinasyon.

Binagtas niya ang kabilang lansangan kung saan nabanaag niya ang sumasayaw at kumakantang liwanag na tumawag sa kanyang atensyon. Hilera ang mga establisyementong nabubuhay tuwing dilim. Habang lumalalim ang gabi ay lalong kumakapal ang bulto ng tao.

Pinuwesto niya ang sarili sa tabi ng mataong pamilihan kung saan bantog ito sa mainit at masarap na mami na binabalik-balikan ng mga deboto ng patron ng San Felipe.

“Maari ho bang makahingi ng konting sabaw?”

Naabala sa pagtatakal ng mainit na pansit ang kapatas na tindera na tila kinulot ng usok ang mukha sa matagal na pagtatrabaho sa kainan.

“Hijo lagi ka na lang humihingi at malulugi na kame!” sabi nito sabay baling sa kanyang ginagawa dulot ng mahabang pila ng bumibili.

Napansin ito ng isang tindera at natanaw ang matamlay na mukha ng batang lalaking ginutom sa buong maghapon.

            “Hijo”

            “Bakit?”

            “Oh, ito konting sabaw panlaman t’yan” Sabi ng bagong tinderang naawa sa kanya.

Agad niyang sinunggaban at hinigop ‘di alintana ang mainit nitong sabaw.

            “Bago ka dito noh?’ tanong niya sa tindera na nakalimutan magpasalamat sa binigay nitong sabaw’

            “Oo, Galing akong Marinduque at tinanggap ako ni aling Tasya na manilbihan sakanya.”

            “Kano sweldo mo?”
           
Tingala siya “San daan… eh ikaw anung pangalan mo at asan magulang mo?”

            “Marlon na lang, ‘di ko na nais pang kilalanin ang aking magulang, pinalaki lang din ako ng mga kasama ko, eh ‘kaw?” 

            Napatulala ang tindera tila may malalim na inisip nang napansin niya ang pamilyar na kalmen suot ni  Marlon.

            Angie, lumayas din ako nagbabakasakaling makahanap ng magandang trabaho dito” Sabay yuko.

            “Angie!.. Angie!” sigaw ng matandang tagapamahala.
           
Agad na pumanhik sa Angie batid ang kalungkutan sa kanyang ginagawa.

Bumalik si Marlon sa gitna ng kalye at tahimik na pumuwesto sa bulto ng tao.

            “Konting barya lang ho!” paulit-ulit na winika ni Marlon.

Batid niyang mahirap kumita sa pang araw-araw lalo na’t maraming kakumpetinsyang kagaya niya sa Sta. Felipe. Binuhay na siya nang ganitong pamumuhay na nagpalumot at nagmulat sa tunay na sistema ng lansangan.


Pangil ng Gabi

Alas-diyes na nang gabi ngunit hindi pa nangangalahati ang napulot niyang kilawanging lata ng sardinas na dapat pangalawa na niya ngayon araw dulot ng huling pagkagising.

“Marlon!” sigaw ni Atang, matalik niyang kaibigan kasama ang tatlong pa nilang kasamahan, sina Odeng, Julius at Jenny.

Apat silang magkasama sa tulugan. Si Atang na may isang taong tanda kay Marlon, may sunog na balat, makapal na kilay, mga brasong mapipintong sa masel, mahilig magpatawa at masiyahin sa buhay. Si Odeng na mas bata kay Marlon ng tatlong taon, may malapad at patpating katawan, kayumangging kulay na napipintong umitim pa, makapal na labi at mapaglaro sa mga bagay-bagay. Si Julius ay dalawampu’t isang taon, higit na mas matanda kay Marlon ng walong taon. Siya ay maskulado, hubad-baro at mahilig pumunta sa inaagiw na gym tuwing hapon matapos gumising. At si Jenny na labing siyam na anyos, siya ay may kaakit-akit na pangangatawan, makinis na balat at mukha, laging inuumaga at puyat.

Napatingin si Marlon kay Atang, sabik na makita at makakwentuhan ang kaibigan na hindi niya nasilayan sa kanyang pag-gising nung hapon.

“Kamusta ka?” maaliwalas na tanong ni Atong.

“Eto, nahuli nang gising kaya hindi pa napupuno ang ‘sang lata.”

“Sumama ka sa’min nila Jenny at ililibre ka namin ng hapunan.” sambit ni Julius.

“Kumita ako dalawa sa tatlo kaya marami akong kwarta, sana swertehin mamaya.”

Nagtungo ang apat sa kilalang mamihan tapat ng simabahang ng San Felipe kung saan pinuputakte ng mga deboto ang masarap nitong mami.

“Kuha lang kayo nang trip n’yo, sagot ko!” pagmamayabang muli ni Julius.
           
Ting-tinganing!

Sa pag-upo ng apat nasilayan muli ni Marlon ang matandang may-ari na nagdamot sa kanya ng mainit na sabaw. Patuloy pa rin ang matanda sa pagtatakal at tila sinangkapan na ng pawis ang malaking kaldero ng pasta. Mas lalong umiinet ang ulo ng matanda at kinagagalitan ang ibang mamimiling mabagal mag-order.

“Anung tinitingnan mo d’yan tol?” usisa ni Atong.

“Ah wala” matagal na sagot ni Marlon.

“Mukhang wala ka sa katinuan? Kung ako sayo ikakain ko nalang ‘yan”

Malalim ang mga nasa isipan ni Marlon, maraming mga bagay na pumapasok sa kanyang diwa na pilit hinahanapan nang kasagutan.

“Handa na kaya ako sa ganun? Anu kayang pakiramdam? Subukan ko kaya? Ngunit natatakot ako.” Mga salitang nanatiling katanungan sa isip ni Marlon.

Tug-tugak! Tunog ng natapong mami sa sahig ng bagong tindera.

“Tsk! Bwiset na buhay to oh!” Malakas na daing ni Jenny.

“Badtrip yung kostumer ko kanina, binarat na nga ako, sumobra pa sa oras!” Dagdag niya.

“Ako nga buti nalang suki ko na yung kostumer kaya may tip pa” Pagmamalaki ni Julius.

“Eh ikaw Atang gusto mo sama ka samin mamaya sa plaza?” Hikayat ni Julius.

“Ahhh… Ehhh.. Sige subukan ko lang nang kumita naman ako” Napaisip na sagot ni Atang.

Inilabas ni Julius ang kanyang dalawaang daan at ipinamambayad ang siyamnaput-siyam na piso sa matandang tindera na halaga ng kanilang kinain.

Alas dose impunto.

“Sandaan at piso na lang ang kwarta ko, mukang kailangan ko muling magsipag mamaya” sambit ni Julius na lalong nagpahikayat kay Atong at lubhang nagpa-isip kay Marlon.

Matapos kumain, dumiretso si Marlon sa kanilang pwesto, sa paanan ng kwadradong yero upang mamahinga. Samantalang nagtungo ang tatlo sa di kalayuan upang maghanap-buhay.

Inilatag ni Marlon ang dalawanag pahabang karton na nabahiran ng putik at dumi dulot nang matagal na pagkakagamit. Nahiga siya at timitig sa madilim na langit na pinapalamutian ng makikinang na bituin at sinisikatan ng mahinang liwanag ng buwan. Napansin niya ang mga yapak ng tao sa kanyang tagiliran na dahan-dahang umuunti.

Habang lumalalim ang gabi ay lalong humuhukay ang mga katanungan ni Marlon sa kanyang sarili. Hindi lingid kay Marlon kung anung tunay na kalakalan tuwing sasapit ang dilim sa plaza Salve. Kung saan mas mabubuhay ang mga paniki at kwago mula sa liwanag nang umaga na akala ng marami ay may marangal na pamumuhay.


Mahapding Sikat

Kordero nang liwanag ang gigising sa pagkakahimlay ng mga tao at siyang lilipon sa dilim na kumukulapol sa karumihan nila. Gumising kay Marlon ang sinag na tumatama at nagbibigay init at hapdi sa kanyang pisngi. Napadilat ang kanyang mga mata ngunit nanatili siyang nakahiga tila nangatira ang ibang katanungan na gumugulo sa kanya kinagabihan.

Beep-beep, tug-tugtug-tugug

Maririnig muli ang alingawngaw ng lungsod, mga nagmamadaling yapak at dagundong ng tren na tila nagpabalik kay Marlon sa reyalidad. Narinig niya ang kanlansing ng baryang nahulog sa kakalawanging lata niyang sumabay nanahimik sa kanyang tagiliran.

Iniligpit niya ang dalawang karton at itinago sa pagitan ng naguumpugang bato na tinangalan ng malamig na bakal dala ng kagipitan.

Nagsimula siyang tumayo gamit ang mahinang bisig.

Sa kanyang pagtuntung sa daigdig, nakita niya sa kaliwang bahagi ang kanyang mga kaibigan na mahimbing ang pagkakatulog.

“Marlon!” wikang narinig niya mula sa kawalan, agad siyang napatingin kung saan upang kilalanin ang pinanggalingan ng tinig. Nakita niya ang isang babae na tumutungo ang ulo sa pagtawag upang siya’y lumapit.

Agad siyang lumapit ‘di alintana ang panganib.

At sa kanyang paglapit, agad siyang inalok ng babae tungo sa tagong lugar na karaniwang pinagdarasuan ng karumihan ng lungsod. Alam ni Marlon na habang binubuhay siya ng Plaza Salve ay kailangan niyang pagsilbihan ang mga buwaya nito tulad ng mga kabataang nauna sa kanya.

Maraming gumugulo sa isipan ni Marlon habang tinatahak ang maingay at lantad na daan na panulukan ng kadumihan ng lunsod. Tamatagaktak ang matinding pawis na umaagos sa patilya niya, ang kanyang mga daliri ay hindi mapakali at tila bumagal ang takbo ng oras sa kanyang paligid.

Nakita na niya ang malaking pinto ng bahay-aliwan na habang nagtirik ang araw ay maraming nanlilisik na matang nakamasid sa paligid.

Pumanhik ang dalawa kung saan tahimik ang mga kaganapan at bawat kaluskos at ingay ay maaring marinig.

Sa pagpasok nila sa isang kwarto mababanaag ang nagkukumpulang ulo na pinaghaharian ng natatanging ilaw na nagbibigay liwanag sa silid.

            “Marlon” Bulalas ng lalaking tagapamahala ng negosyo.

            “Sino ka?” sagot ni Marlon.

            “Inumin mo!”

likidong inuming ibinigay kay Marlon na dadaloy sa tigang niyang lalamunan.

Hindi lingid kay Marlon ang tunay na kaitimang nagaganap sa Plaza tuwing sumasapit ang gabi. Ang mga kabataan ay ikinakalakal sa ‘di makamayaw na parokyano.

Nagsimula nang umikot ang kanyang diwa, dahan-dahang nagpalabo sa kanyang paningin. Maraming boses ang pumapasok sa kanyang isip, tila nararanasan niya ang kasiyahan at langit na pumukaw sa kanyang libido. Unang beses niya itong naranasan na dahan dahang magiging parte ng kanyang buhay.  Sasagot sa gutom niyang sikmura at bubuhay sa kanyang tigang na katawan.


Buhay ang Plaza Salve
  
Alas sais ng gabi nang magising ang binatilyo, pawisan ang lupaypay niyang katawan na naging saksi sa buong pangyayari. Nag-iisa na siya sa silid na dinatnan niyang maraming tao.

Sa ‘di kalayuan, nakita niya ang isang konkretong anino ng isang babae. Larawan ng babaeng naghatid sa kanya sa bahay ng bato.

“Simula na nang ating trabaho” Bungad ng dalagita.

Si Tess ay may balingkinitang katawan, maputi, may mapupulang labi, mahaba ang buhok at laging nakaayos na aakalaing anak ng isang pulitiko. 
           
            “Anong ‘ngalan mo?” usisa ni Marlon.

            “Tawagin mo na lang akong Tess” sagot ng kabilang panig.

            “Paano mo ko nakilala?”

            “Matagal ka nang minamatyagan ni Amo.”

“Nirekomenda ka rin ng iyong mga kaibigan, sina Julius at Jenny” Dagdag niya.

            “Taga san ka?” muling usisa ni Marlon dahil hindi pamilyar sa kanya ang babaeng kanyang kausap.
           
            “Nung makalawa lang ako dumating dito, galing ako sa probinsya, tumakas sa aking mga magulang at napadpad dito. Agad kong nakilala si Amo d’yan sa liwasan sa aking ikalawang gabi. Tunuruan niya rin ako nang ganitong hanap-buhay.” paliwanag ni Tess.
           
Agad nagkapalagayang loob ang dalawa na naging sanhi upang mahulog ang damdamin ni Marlon sa dalagita.
           
Lumalalim na ang gabi at batid Marlon ay konting saglit nalang ay susubukan na niya ang kanyang bagong trabaho na magpapabago sa kanyang buhay.

“Maraming matang nakatingin sa atin.” wika ni Tess.

“Bakit” Agad na tanong ng binatilyo.

“Ganyan gumalaw ang sindikato ni Amo, ibinubugaw tayo sa habang tayo’y nakatayo rito. Tumahimik ka nalang.”

Biglang lumapit ang dalawang matandang lalaki sa kanila. Kinausap si Tess at sinabing:

“ikaw ba si Tess? Dalawang daan ang bigay ng amo mo saken ngayong gabi” Bungad ng matanda.

Napatingin sa Tess sa taong nakamasid sa kanila upang hingin ang pahintulot nito at agad naman tumango ang nakamasid. Tango na hudyat upang si Tess ay sumama na magpapahaba ng kanyang gabi.

Lumayo ang tatlo at naiwan si Marlon sa kanyang kinatatayuan. Kabisado na ni Marlon ang posibleng mangyari kaya’t siya’y napaisip ng malalim.

“Paano ko gagawin iyon?” tanong na gumugulo sa kanyang isipan na nagpatulala sa kanya.
           
Lumapit ang mamang kangina’y nakatingin sa kanila.

Nilapit nito ang kanyang labi sa tenga ng binata at bumulong na agad nagpabalisa sa kanya.

“Areglado” sabi ng mama.

“Sumama ka sa kanya ngayon at alam mo na ang gagawin mo, apat na daan ang bayad niya kaya siguraduhin mong maliligayahan siya.”

Agad binanaag ni Marlon ang tinutukoy ng mama.

Sinuri niya ito ng tingin mula ulo hanggang paa, Kapansin-pansin ang sabik at nakapanlilibak na tingin ng babae sa kanya. May mahahabang kulot na buhok, kulay atsuete ang hibla at halataing hayok na hayok sa makamundong gawain. Ang kanyang mga labi ay makakapal at tila kinalyo na nang panahon na napipinturahan ng pulang pamahid.

“First time mo ba?”

“Ah.. ehh.. Oo.”

“Wag ka kabahan sanay na ko sa mga ganyan, siguradong masasarapan ka” Paniguro ng babae.

“Tawagin mo na lamang akong Eunice”

“Ikaw anung pangalan mo?”

“Ma…Marlon”

Napansin ni Eunice ang matinding kaba sa binata kaya niyaya niya muna itong kumain upang makapalagyang loob ito.

Bago sa paningin ni Marlon ang kainang pinagdalhan sa kanya ni Eunice. Di hamak na mas malinis, mas maayos at mas tahimik kumpara sa mamihan sa tapat ng simbahan ng San Felipe.

            “Kumuha ka lang nang gusto mo.” alok ni Eunice.
           
“Sabaw lang ang aken.”  Tahimik na sagot ni Marlon.

Kinuha ng dalawang mainit na ulam si Eunice para kay Marlon.

            “Oh ‘yan, damihan mo ang kain dahil tiyak na magugutom ka mamaya.”

            “Ilang taon ka na ba?”  Tanong ng dalaga.

            “Dise otso.”

            “Das matanda lang pala ako nang apat na taon.”
           
Napaisip ang binata dahil ‘di aakalaing dalawampu’t isang taon na ang kanyang kausap.
           
            “Magkwento ka!”
           
“Lipunang ito na ang nagpalaki at nagmulat saken, ‘Di ko kilala ang aking mga magulang at tanging mga kaibigan ko na lang ang tinuturing kong pamilya. Ikaw?” pamalit ni Marlon.

“Ako.., anim kaming magkakapatid, pero iniwan ng nanay ko ang isa kong kapatid na lalaki dito sa Maynila sanggol pa lamang. Ang ate ko naman ay naglayas.”

Napatayo si Marlon at dahang naglakad.

            “Ikaw anung trabaho mo?” usisa ng binatilyo.

“Call center agent doon sa matayog na gusaling iyon.” Tinuro ang makinang at tinitingala ng bawat napapadaan sa Plaza Salve.

            “Anung meron sa gusaling ‘yan?”
           
            “Mga kagaya ko, tingnan mo, nakasuot ng malinis at desenteng damit ngunit kung susuriin mo ang kaibuturan ay walang pinagkaiba sa dumi ng lipunan.” Matalinghagang sagot ni Eunice.

            “Ano handa ka na?” Ibang tanon ni Eunice.

Walang imik na sagot ni Marlon na hudyat na magiging malalim ang gabing iyon.

Iniabot ni Eunice ang malutong na salapi sa tindera sabay sabing:

            “Sayo na ang sukli.”
           
            “Tara na!”
           
Dinala ni Eunice si Marlon sa isang sikat na hotel na pangarap ng kanyang mga kaibigang matuluyan tuwing sila’y maghahanap buhay.

Bumaliktad ang ayos at kapaligiran sa pagpasok ni Marlon, tila panibong mundo ang kanyang nasilayan. Maraming muwebles ang makikita sa paligid, makikinis ang papag, may makikinang na ilaw at maaliwalas na konstruksyon ang gusali.

Inupahan nila ang isang silid sa ika-pitong palapag.

Sumakay sila sa kwadradong silid na magtaas ng kanilang mga katawan tungo sa kaligayahan.

Pumasok ang dalawa sa silid at inisirang maigi ang pintuan.

Nagsimulang gumalaw ang kanilang mga kamay, sumasabay sa kumpas ng musika na dahan-dahang magtatanggal ng kanilang mga baro. Magpapainit sa malamig nilang katawan, huhugas sa tuyong balat at magtatayo nang bagong buhay.

Tumataas ang libido na dumadaloy sa kanilang hubad na katawan, ito’y magpapaangat patungo sa pansamantalang langit ‘di batid ang suliranin nang mundo. Ang kanilang mga katawan ay naglapat at nagkiskisan, ang kangina’y walang mantsang seda ay mababhiran ng likido at kukusot sa maayos nitong pagkakatupi.

Sila ay magiging hari at reyna ng kanilang mundo sa kadiliman at sa pagtama ng sikat silay magigising tangan ang bagong pananabik. Sa bawat paggalaw ng orasan isang yugyog ang kapalit na dahan-dahang papawi ng kanilang lakas.


Ang Lipunan at si Magdalena

Ito’y nakapaglalarawan ng iba’t ibang anino ayos sa kaukulan. Sa kasal, ito’y pag-ibig, kabanalan sa altar, laswa sa leeg ni Magdalena, at sa puntod –pighati.

Sinag ng araw sayo’y tatama
Mahapding sikat magpapaunawa
Hangging sangkap muling magtataglay
Gigising sa diwang naglalakbay
-Batang Mapagmasid, Man Lamang

Panibagong araw ang dumating na nagpagising sa binata. Ang kanyang katawan ay matatagpuan walang malay at nakadapa sa sedang pinuno ng likido ng kaligayahan.

Alas dies nang siya’y magising, siya na lamang ang natatanging tao sa silid. Ang kanyang kadaupang-palad ay lumisan upang suungin ang bagong araw.

Siya ay tumindig sa malaking balintataw ng silid. Pinagmasdan niya nang buong kisig ang kalunsuran, napangiti dahil siya ngayo’y nangingibabaw sa sansinukuban at nagpasimangot dahil muli siyang bababa at pagmamasdan ng taong nasa kinatatayuan niya.

Nagsimulang pumatak ang tubig sa kubeta, ito’y lilinis sa kanyang maduming katawan ngunit hindi sa kanyang budhing itim. Ang dampi nang malambot na tela ay sisipsip sa bawat patak ng tubig na nakadikit sa kanyang balat.

Iniwan ang rurok ng gusali at sa kanyang pagtapak sa patag na lansanggan hindi na niya maikukubli na siya’y kabilang rito.

Tinahak niya daan patungo sa lunduyan ng Plaza Salve, sabik na masilayan ang kanyang mga kaibigan at ibahagi ang ginhawa sa loob ng gusaling pinuntahan. Ang kanyang sikmura ay nagsimulang gumiling, kinapa ang bulsang kangina’y walang-wala ngunit ngayo’y punong-puno ng salapi.

Nakita niya ang tatlo niyang kaibigang kasalukuyan paring nakahimlay. Ginising niya ang mga ito bungad ang magandang ngiti sa tulong ng mainggay na lunsod.

Beep beep!, brit briiitt!, krugg truugg krug!!

“Gising na, Odeng!..  Julius!..  Jenny!.. “

Kapansin-pansing wala sa tatlo si Atang.

            “Aaaaa, O, kumusta? san ka galling?” Maligayang tanong  ni Julius.
           
            “Eto pumasok sa trabaho.”

            “Ayuuss, libre naman!” Kantsaw ni Odeng.

            “Sige ba! Masarap pala ang maraming kwarta halos lahat mabibili mo.”

Matapos iligpit ang maitim na karton na kanilang pinaghigaan, agad na nagtungo ang apat sa lugawan ng San Felipe.

Muling nasilayan ni Marlon si Angie na nagtatakal sa lomi para sa mga parokyano. Sinalubong naman ni Angie ng magandang ngite ang binata.

            “Anung sanyo?” Malakas na tanong ng kapatas na tindera.

“Apat na lomi, apat na itlog at dalawang tokwa!” Nagmamalaking order ni Marlon.

“Kumita ako ng malaki kagabi kaya marami akong kwarta!” Patuloy ng binata.

Maririnig ang malakas na tinig ng radyo sa paligid.

Tampok na naman ang isang biktima ng pamamaslang at panghoholdap‘di kalayuan sa kanilang kinakainan. Isang binatilyo na may sunog na balat, makapal na kilay, malaking masel ang pinagsasaksak ng apat na di pa kilalang kalalakihan kaninang madaling araw tangay ang pera ng biktima.


Daglian itong naging laman ng usap-usapan nang mga nakarinig ng balita.

Iniabot ni Angie ang apat na maitim na basong tubig sa kanila na mukhang hindi pa maayos ang pagkakahugas.

“Kawawa naman yung lalaki.” sambit ni Angie.

Itoy lubhang nagpaalala kay Marlon lalo na’t hindi pa niya nasisilayan si Atang sa buong magdamag.

Agad na nagtungo ang binata sa pinkamalapit na punenarya ng Magdalena upang kilalanin ang biktima.

Sa kanyang pagpasok agad niyang nakita ang isang maluwag na silid na may nakalagak na kabaong wala man lamang bumibista. Agad niya’y inaninag ang kahon ngunit hindi iyon ang kanyang hinahanap.

Tinungo ng binata ang morgue.

Tikom na tikom ang kanyang bibig. Kulay tingga ang kanyang magkapatong na mga kamay at makikita ang kalungkutan sa kanyang mukha –panatag na katawan ni Atang nakahimlay sa nanlilimahid na semento.

Kumagat sa gilid ng semento ang mga daliri no Marlon. Hindi niya matanggap ang mga pangyayari at biglaang tumulo ang luha sa kanya mga mata. Nakatayo sa likuran niya sina Jenny, Odeng at Julius pare-pareho ang nararamdaman ng bawat isa para kay Atang.

            “Kayo ba ang kamag-anak niyan?” Tanong nang lalaki sa morgue.
           
Walang tugon ang magkakaibigan.

            “Kailangan niyo nang kunin ‘yan kundi siya’y pag-aagawan at pag-aaralan ng mga estudyante ng medisina sa mga pamantasan.” Dagdag ng lalaki.

Agad na nagpagalit kay Marlon dahilan upang ambahan ng suntok ang lalaki.

Napaupo ni Julius si Marlon bago siya umalis, ngunit nang bumalik siya makaraan ang mahigit limang oras ay dinatnan niyang nakatayo na naman si Julio sa tabi ng bangkay.

“Labas muna tayo,” sabi ni Jenny. “Hindi pa tayo naghahapunan. Mag-aalas-syete na.”

“Hindi ako nagugutom.”

“Kahit kape lang tayo.”

            “Ikaw nalang.”

Mahigit sampung libo ang kanilang kailangan upang mailabas si Atang sa Magdalena. Batid ni Marlon na kulang na kulang ang kanyang kinita upang matubos ang labi ni Atang at maipalibing ito nang maayos.

Si Marlon ay pansamantalang lumabas upang magpahangin, ngunit ang dampi ng mainit na hangin sa kanyang mga pisngi ay lalong nagpalungot ng kanyang nararamdaman.

Alas-tres na nang umaga nang magbalik ang apat sa Magdelena upang subukang ilabas si Atang. Pagpasok nila sa silid, ang sementong pinagpatungan ni labi ni Atang ngayon ay bakante na.

            “Kinuha na ang labi niya ng isang pamantasan.” Bungad ng lalaki.

Ito’y nagpagalit lalo kay Marlon.

            “Bakit hindi kayo sa amin nagpalaam?” Galit niyang tanong.

“Alam naming hindi niyo matutubos ang bangkay at wala kayong pruweba na kayo nga ang kamag-anak ng biktima” Paninindigan ng lalaki.

Lalong bumuhos ang luha ni Marlon. Nailayo nina Jenina ang nagluluksang damdamin ni Marlon sa punenarya.


Kordero ay Humayag

Takip silim muling nagsapit
Ikaw ay lalamuning pilit
Sa buhos ng ulang kaylupit
Mga kamay mapapakapit

Lingid sa iyong kaalaman
Buhay na baino s’yang pain
Burak sayo’y maglulubog
Lulunod sa katawang lamog
-Batang Mapgmasid, Pasig ngayo’y umaapaw

Takipsilim na nang makabalik kasabay ang alingawngaw ng kampana ng San Felipe. Ang mga kaluluwang nakapaligid dito ay tila umaawit sa kordero ng liwanag.

Muling nagsapit ang dilim at ang kadumihan ng lunsod ay muling maghahari. Ang mga kaitiman nito ay panghabambuhay na umiikot pagkat may mga kabataang tulad ko ang inaampon ng lunduyang ito. Sila ay nagsisiawitan at sumasayaw na parang pipit na nagtatawag ng parokyanong tutuka sa lugmok nilang katawan.

Lumapit ang bagong mukha sa kanyang katawan, inalok muli siyang makasama sa buong gabi at gamitin ang katawan niyang lupaypay dulot ng lipunang mukmok. Ang saplot niyay huhubaran, ang katawan niya’y pagpipiyestahan ngunit hindi kailanman nila mauunawaan ang tunay na kalagayan ng kanyang  katawang may kanser. ‘Pagkat ito’y tinatakpan ng matatayog at makikinang na gusaling tinitingala ng bawat napapadaan dito.  

Nagdilim ang kanyang paningin, sa pagkurap nahugot sa bulsa ang kamay ni Marlon at ang umigkas na talim ng nikilado, pinduting lanseta ay kumurap sa liwanag. Saglit na dumaan ang talim sa leeg ng kanyang parokyano.  Umagos ang pulang malabnaw sa sedang kagabi’y pinatakan ng likido ng ligaya. Sumugod si Marlon palabas ng matayog na gusali, hawak hawak parin ang lansetang kumitil sa isang pulitiko ng lunsod.

Ang taumbayan ay napapatabi sa kanyang nilalakaran, sila ay pansamantalang yumuko upang makita ang tunay na kalagayan ng lunsod at hindi ang matatayog na gusali at monumentong mapanlinlang.

Sa kanyang likuran, tatlong putok ang narinig.

“Pook!.. Took!.. Pang!...”
“Napatay si Mayor!” malakas na sigaw mula sa tumatakbong guwardiya ng hotel na pinanggalingan ni Marlon.

Tinamaan ang binata sa kanyang likuran, ngunit walang pagtatangkang paglaban sa mga kawal.

“Tabi kayo riyan! Tabi kayo riyan!” pang-abot na salita ng mga guwardiya.

“Sabay-sabay ang lapit!”

“Hindi makakapaglag ‘yan!”

Sumayaw sa hangin ang mga sandata at ang lupa ay diniligan na naman ng dugong malabnaw.

Napansin ni Marlon na malapit nang matapos ang tinatayong monumento sa lunduyan. Narinig niya na bukas nakatakdang palitadahan at lilinisin ang mantsang nakadikit dito, sa makalawa, ang mga pulitiko at publiko ay magtitipon upang ipagkapuri ang batong pigura. Sa ikatlo, ang mga tao ay muling maglalakad nang nakatingala upang pagmasdan ang walang buhay na parte ng lungsod na ito.