Maikling kwento sa pluma ni Batang Mapagmasid
Monumento
Ito’y sasapi sa dugong banal
Tutulak tungo sa pusong halal
Lilinisin ang isipang lupig
Sasagupain ng may pag-ibig
-Batang Mapagmasid, Man Lamang
Natatangi ang bagong tayong bantayog na tila kinulapulan ng ginto’t pilak sa kinang na tinitingala ng bawat dumadaan sa lunduyan ng Plaza Salve. Halatain ang kumpol ng mga nagmamadaling tao na naglalakad tungo sa kawalan, kapansin-pansin ang mga patapong piraso ng tablang ginamit sa konstruksyon, maalikabok, mabitak, masalubsob at maputik na pinagdudugtong ng mga kalawanging pako. Sa kabilang dalisdis mababanaag ang mga batang naguumpukan na kung susuriin ay sinisimot ang mga bakal na nakasuklob sa malamig at magaspang na sementong binukbok nang panahon.
Sa bawat paghulog ng barya ay maririnig ang kalansing kasabay ang gumigiling na bituka, laway na pilit nilulunok pamatid uhaw sa nagdaang araw. Kakaawaan siya, bibigyan, kagagalitan at dahan-dahang kukulay sa tila labanos niyang balat. Sa simula siya’y isang alikabok na pilit didikit sa damit ng publiko ngunit ‘di kalaunan siya’y kagigiliwan, pakakainin, bibihisan, paliligayahin at tutustusan na uukit sa kanyang pagkatao.
Sa simula, siya’y isang kalansay at tuyong lupang kumakapit sa sapatos. Pagyayamanin, didiligan ng pawis at dugo. At siya’y magtatayo nang buong tatag, lakas at tibay samantalang ang paanan niya’y lugmok, lupaypay, sugatan, duguan na magpapabalik sa dati niyang kupas at dumi.
Siya ang batang karaniwang makikita sa paaralan ngunit lumilitaw ang maaliwalas niyang balat na tila sinakluban ng lilim sa kanyang paglaki. Buhok na maalun-alon, labing kulay sariwang karne at mga matang matalas ngunit inosente. Patpatin at kasing taas ng dram kung tumindig. Ngunit wala siya sa paaralan. Kinakatawan niya ang maduming pamayanan ng San Felipe, isang nagpapanggap na sibilisadong lungsod na pinamamahayan ng nagtataasang Call center buildings. Mamalas ang butas niyang de-gomang tsinelas na kapwa magkaiba ang laki at kulay. Sa lunsod nangupas ang pantalon at pantaas na maiwawangis sa maduming basahang bahay.
Isang hapon ng Disyembre 2019, nagising siya sa paanan ng kwadradong yerong nakaparangalan sa bakod ang “In this site, we will unveil the San Felipe monument. Another priority project of Mayor dela Cruz, Eduardo and the City Council”. Hagibisan ang mga magagarang kotse na bumibingi sa lansangan dulot ng ‘di magkamayaw na busina. Sinilip niya sa kabilang tingin ang nag-uunahang tao sa pagbaba mula sa San Felipe LRT station na sabik pumunta kani-kanilang destinasyon.
Binagtas niya ang kabilang lansangan kung saan nabanaag niya ang sumasayaw at kumakantang liwanag na tumawag sa kanyang atensyon. Hilera ang mga establisyementong nabubuhay tuwing dilim. Habang lumalalim ang gabi ay lalong kumakapal ang bulto ng tao.
Pinuwesto niya ang sarili sa tabi ng mataong pamilihan kung saan bantog ito sa mainit at masarap na mami na binabalik-balikan ng mga deboto ng patron ng San Felipe.
“Maari ho bang makahingi ng konting sabaw?”
Naabala sa pagtatakal ng mainit na pansit ang kapatas na tindera na tila kinulot ng usok ang mukha sa matagal na pagtatrabaho sa kainan.
“Hijo lagi ka na lang humihingi at malulugi na kame!” sabi nito sabay baling sa kanyang ginagawa dulot ng mahabang pila ng bumibili.
Napansin ito ng isang tindera at natanaw ang matamlay na mukha ng batang lalaking ginutom sa buong maghapon.
“Hijo”
“Bakit?”
“Oh, ito konting sabaw panlaman t’yan” Sabi ng bagong tinderang naawa sa kanya.
Agad niyang sinunggaban at hinigop ‘di alintana ang mainit nitong sabaw.
“Bago ka dito noh?’ tanong niya sa tindera na nakalimutan magpasalamat sa binigay nitong sabaw’
“Oo, Galing akong Marinduque at tinanggap ako ni aling Tasya na manilbihan sakanya.”
“Kano sweldo mo?”
Tingala siya “San daan… eh ikaw anung pangalan mo at asan magulang mo?”
“Marlon na lang, ‘di ko na nais pang kilalanin ang aking magulang, pinalaki lang din ako ng mga kasama ko, eh ‘kaw?”
Napatulala ang tindera tila may malalim na inisip nang napansin niya ang pamilyar na kalmen suot ni Marlon.
Angie, lumayas din ako nagbabakasakaling makahanap ng magandang trabaho dito” Sabay yuko.
“Angie!.. Angie!” sigaw ng matandang tagapamahala.
Agad na pumanhik sa Angie batid ang kalungkutan sa kanyang ginagawa.
Bumalik si Marlon sa gitna ng kalye at tahimik na pumuwesto sa bulto ng tao.
“Konting barya lang ho!” paulit-ulit na winika ni Marlon.
Batid niyang mahirap kumita sa pang araw-araw lalo na’t maraming kakumpetinsyang kagaya niya sa Sta. Felipe. Binuhay na siya nang ganitong pamumuhay na nagpalumot at nagmulat sa tunay na sistema ng lansangan.
Pangil ng Gabi
Alas-diyes na nang gabi ngunit hindi pa nangangalahati ang napulot niyang kilawanging lata ng sardinas na dapat pangalawa na niya ngayon araw dulot ng huling pagkagising.
“Marlon!” sigaw ni Atang, matalik niyang kaibigan kasama ang tatlong pa nilang kasamahan, sina Odeng, Julius at Jenny.
Apat silang magkasama sa tulugan. Si Atang na may isang taong tanda kay Marlon, may sunog na balat, makapal na kilay, mga brasong mapipintong sa masel, mahilig magpatawa at masiyahin sa buhay. Si Odeng na mas bata kay Marlon ng tatlong taon, may malapad at patpating katawan, kayumangging kulay na napipintong umitim pa, makapal na labi at mapaglaro sa mga bagay-bagay. Si Julius ay dalawampu’t isang taon, higit na mas matanda kay Marlon ng walong taon. Siya ay maskulado, hubad-baro at mahilig pumunta sa inaagiw na gym tuwing hapon matapos gumising. At si Jenny na labing siyam na anyos, siya ay may kaakit-akit na pangangatawan, makinis na balat at mukha, laging inuumaga at puyat.
Napatingin si Marlon kay Atang, sabik na makita at makakwentuhan ang kaibigan na hindi niya nasilayan sa kanyang pag-gising nung hapon.
“Kamusta ka?” maaliwalas na tanong ni Atong.
“Eto, nahuli nang gising kaya hindi pa napupuno ang ‘sang lata.”
“Sumama ka sa’min nila Jenny at ililibre ka namin ng hapunan.” sambit ni Julius.
“Kumita ako dalawa sa tatlo kaya marami akong kwarta, sana swertehin mamaya.”
Nagtungo ang apat sa kilalang mamihan tapat ng simabahang ng San Felipe kung saan pinuputakte ng mga deboto ang masarap nitong mami.
“Kuha lang kayo nang trip n’yo, sagot ko!” pagmamayabang muli ni Julius.
Ting-tinganing!
Sa pag-upo ng apat nasilayan muli ni Marlon ang matandang may-ari na nagdamot sa kanya ng mainit na sabaw. Patuloy pa rin ang matanda sa pagtatakal at tila sinangkapan na ng pawis ang malaking kaldero ng pasta. Mas lalong umiinet ang ulo ng matanda at kinagagalitan ang ibang mamimiling mabagal mag-order.
“Anung tinitingnan mo d’yan tol?” usisa ni Atong.
“Ah wala” matagal na sagot ni Marlon.
“Mukhang wala ka sa katinuan? Kung ako sayo ikakain ko nalang ‘yan”
Malalim ang mga nasa isipan ni Marlon, maraming mga bagay na pumapasok sa kanyang diwa na pilit hinahanapan nang kasagutan.
“Handa na kaya ako sa ganun? Anu kayang pakiramdam? Subukan ko kaya? Ngunit natatakot ako.” Mga salitang nanatiling katanungan sa isip ni Marlon.
Tug-tugak! Tunog ng natapong mami sa sahig ng bagong tindera.
“Tsk! Bwiset na buhay to oh!” Malakas na daing ni Jenny.
“Badtrip yung kostumer ko kanina, binarat na nga ako, sumobra pa sa oras!” Dagdag niya.
“Ako nga buti nalang suki ko na yung kostumer kaya may tip pa” Pagmamalaki ni Julius.
“Eh ikaw Atang gusto mo sama ka samin mamaya sa plaza?” Hikayat ni Julius.
“Ahhh… Ehhh.. Sige subukan ko lang nang kumita naman ako” Napaisip na sagot ni Atang.
Inilabas ni Julius ang kanyang dalawaang daan at ipinamambayad ang siyamnaput-siyam na piso sa matandang tindera na halaga ng kanilang kinain.
Alas dose impunto.
“Sandaan at piso na lang ang kwarta ko, mukang kailangan ko muling magsipag mamaya” sambit ni Julius na lalong nagpahikayat kay Atong at lubhang nagpa-isip kay Marlon.
Matapos kumain, dumiretso si Marlon sa kanilang pwesto, sa paanan ng kwadradong yero upang mamahinga. Samantalang nagtungo ang tatlo sa di kalayuan upang maghanap-buhay.
Inilatag ni Marlon ang dalawanag pahabang karton na nabahiran ng putik at dumi dulot nang matagal na pagkakagamit. Nahiga siya at timitig sa madilim na langit na pinapalamutian ng makikinang na bituin at sinisikatan ng mahinang liwanag ng buwan. Napansin niya ang mga yapak ng tao sa kanyang tagiliran na dahan-dahang umuunti.
Habang lumalalim ang gabi ay lalong humuhukay ang mga katanungan ni Marlon sa kanyang sarili. Hindi lingid kay Marlon kung anung tunay na kalakalan tuwing sasapit ang dilim sa plaza Salve. Kung saan mas mabubuhay ang mga paniki at kwago mula sa liwanag nang umaga na akala ng marami ay may marangal na pamumuhay.
Mahapding Sikat
Kordero nang liwanag ang gigising sa pagkakahimlay ng mga tao at siyang lilipon sa dilim na kumukulapol sa karumihan nila. Gumising kay Marlon ang sinag na tumatama at nagbibigay init at hapdi sa kanyang pisngi. Napadilat ang kanyang mga mata ngunit nanatili siyang nakahiga tila nangatira ang ibang katanungan na gumugulo sa kanya kinagabihan.
Beep-beep, tug-tugtug-tugug
Maririnig muli ang alingawngaw ng lungsod, mga nagmamadaling yapak at dagundong ng tren na tila nagpabalik kay Marlon sa reyalidad. Narinig niya ang kanlansing ng baryang nahulog sa kakalawanging lata niyang sumabay nanahimik sa kanyang tagiliran.
Iniligpit niya ang dalawang karton at itinago sa pagitan ng naguumpugang bato na tinangalan ng malamig na bakal dala ng kagipitan.
Nagsimula siyang tumayo gamit ang mahinang bisig.
Sa kanyang pagtuntung sa daigdig, nakita niya sa kaliwang bahagi ang kanyang mga kaibigan na mahimbing ang pagkakatulog.
“Marlon!” wikang narinig niya mula sa kawalan, agad siyang napatingin kung saan upang kilalanin ang pinanggalingan ng tinig. Nakita niya ang isang babae na tumutungo ang ulo sa pagtawag upang siya’y lumapit.
Agad siyang lumapit ‘di alintana ang panganib.
At sa kanyang paglapit, agad siyang inalok ng babae tungo sa tagong lugar na karaniwang pinagdarasuan ng karumihan ng lungsod. Alam ni Marlon na habang binubuhay siya ng Plaza Salve ay kailangan niyang pagsilbihan ang mga buwaya nito tulad ng mga kabataang nauna sa kanya.
Maraming gumugulo sa isipan ni Marlon habang tinatahak ang maingay at lantad na daan na panulukan ng kadumihan ng lunsod. Tamatagaktak ang matinding pawis na umaagos sa patilya niya, ang kanyang mga daliri ay hindi mapakali at tila bumagal ang takbo ng oras sa kanyang paligid.
Nakita na niya ang malaking pinto ng bahay-aliwan na habang nagtirik ang araw ay maraming nanlilisik na matang nakamasid sa paligid.
Pumanhik ang dalawa kung saan tahimik ang mga kaganapan at bawat kaluskos at ingay ay maaring marinig.
Sa pagpasok nila sa isang kwarto mababanaag ang nagkukumpulang ulo na pinaghaharian ng natatanging ilaw na nagbibigay liwanag sa silid.
“Marlon” Bulalas ng lalaking tagapamahala ng negosyo.
“Sino ka?” sagot ni Marlon.
“Inumin mo!”
likidong inuming ibinigay kay Marlon na dadaloy sa tigang niyang lalamunan.
Hindi lingid kay Marlon ang tunay na kaitimang nagaganap sa Plaza tuwing sumasapit ang gabi. Ang mga kabataan ay ikinakalakal sa ‘di makamayaw na parokyano.
Nagsimula nang umikot ang kanyang diwa, dahan-dahang nagpalabo sa kanyang paningin. Maraming boses ang pumapasok sa kanyang isip, tila nararanasan niya ang kasiyahan at langit na pumukaw sa kanyang libido. Unang beses niya itong naranasan na dahan dahang magiging parte ng kanyang buhay. Sasagot sa gutom niyang sikmura at bubuhay sa kanyang tigang na katawan.
Buhay ang Plaza Salve
Alas sais ng gabi nang magising ang binatilyo, pawisan ang lupaypay niyang katawan na naging saksi sa buong pangyayari. Nag-iisa na siya sa silid na dinatnan niyang maraming tao.
Sa ‘di kalayuan, nakita niya ang isang konkretong anino ng isang babae. Larawan ng babaeng naghatid sa kanya sa bahay ng bato.
“Simula na nang ating trabaho” Bungad ng dalagita.
Si Tess ay may balingkinitang katawan, maputi, may mapupulang labi, mahaba ang buhok at laging nakaayos na aakalaing anak ng isang pulitiko.
“Anong ‘ngalan mo?” usisa ni Marlon.
“Tawagin mo na lang akong Tess” sagot ng kabilang panig.
“Paano mo ko nakilala?”
“Matagal ka nang minamatyagan ni Amo.”
“Nirekomenda ka rin ng iyong mga kaibigan, sina Julius at Jenny” Dagdag niya.
“Taga san ka?” muling usisa ni Marlon dahil hindi pamilyar sa kanya ang babaeng kanyang kausap.
“Nung makalawa lang ako dumating dito, galing ako sa probinsya, tumakas sa aking mga magulang at napadpad dito. Agad kong nakilala si Amo d’yan sa liwasan sa aking ikalawang gabi. Tunuruan niya rin ako nang ganitong hanap-buhay.” paliwanag ni Tess.
Agad nagkapalagayang loob ang dalawa na naging sanhi upang mahulog ang damdamin ni Marlon sa dalagita.
Lumalalim na ang gabi at batid Marlon ay konting saglit nalang ay susubukan na niya ang kanyang bagong trabaho na magpapabago sa kanyang buhay.
“Maraming matang nakatingin sa atin.” wika ni Tess.
“Bakit” Agad na tanong ng binatilyo.
“Ganyan gumalaw ang sindikato ni Amo, ibinubugaw tayo sa habang tayo’y nakatayo rito. Tumahimik ka nalang.”
Biglang lumapit ang dalawang matandang lalaki sa kanila. Kinausap si Tess at sinabing:
“ikaw ba si Tess? Dalawang daan ang bigay ng amo mo saken ngayong gabi” Bungad ng matanda.
Napatingin sa Tess sa taong nakamasid sa kanila upang hingin ang pahintulot nito at agad naman tumango ang nakamasid. Tango na hudyat upang si Tess ay sumama na magpapahaba ng kanyang gabi.
Lumayo ang tatlo at naiwan si Marlon sa kanyang kinatatayuan. Kabisado na ni Marlon ang posibleng mangyari kaya’t siya’y napaisip ng malalim.
“Paano ko gagawin iyon?” tanong na gumugulo sa kanyang isipan na nagpatulala sa kanya.
Lumapit ang mamang kangina’y nakatingin sa kanila.
Nilapit nito ang kanyang labi sa tenga ng binata at bumulong na agad nagpabalisa sa kanya.
“Areglado” sabi ng mama.
“Sumama ka sa kanya ngayon at alam mo na ang gagawin mo, apat na daan ang bayad niya kaya siguraduhin mong maliligayahan siya.”
Agad binanaag ni Marlon ang tinutukoy ng mama.
Sinuri niya ito ng tingin mula ulo hanggang paa, Kapansin-pansin ang sabik at nakapanlilibak na tingin ng babae sa kanya. May mahahabang kulot na buhok, kulay atsuete ang hibla at halataing hayok na hayok sa makamundong gawain. Ang kanyang mga labi ay makakapal at tila kinalyo na nang panahon na napipinturahan ng pulang pamahid.
“First time mo ba?”
“Ah.. ehh.. Oo.”
“Wag ka kabahan sanay na ko sa mga ganyan, siguradong masasarapan ka” Paniguro ng babae.
“Tawagin mo na lamang akong Eunice”
“Ikaw anung pangalan mo?”
“Ma…Marlon”
Napansin ni Eunice ang matinding kaba sa binata kaya niyaya niya muna itong kumain upang makapalagyang loob ito.
Bago sa paningin ni Marlon ang kainang pinagdalhan sa kanya ni Eunice. Di hamak na mas malinis, mas maayos at mas tahimik kumpara sa mamihan sa tapat ng simbahan ng San Felipe.
“Kumuha ka lang nang gusto mo.” alok ni Eunice.
“Sabaw lang ang aken.” Tahimik na sagot ni Marlon.
Kinuha ng dalawang mainit na ulam si Eunice para kay Marlon.
“Oh ‘yan, damihan mo ang kain dahil tiyak na magugutom ka mamaya.”
“Ilang taon ka na ba?” Tanong ng dalaga.
“Dise otso.”
“Das matanda lang pala ako nang apat na taon.”
Napaisip ang binata dahil ‘di aakalaing dalawampu’t isang taon na ang kanyang kausap.
“Magkwento ka!”
“Lipunang ito na ang nagpalaki at nagmulat saken, ‘Di ko kilala ang aking mga magulang at tanging mga kaibigan ko na lang ang tinuturing kong pamilya. Ikaw?” pamalit ni Marlon.
“Ako.., anim kaming magkakapatid, pero iniwan ng nanay ko ang isa kong kapatid na lalaki dito sa Maynila sanggol pa lamang. Ang ate ko naman ay naglayas.”
Napatayo si Marlon at dahang naglakad.
“Ikaw anung trabaho mo?” usisa ng binatilyo.
“Call center agent doon sa matayog na gusaling iyon.” Tinuro ang makinang at tinitingala ng bawat napapadaan sa Plaza Salve.
“Anung meron sa gusaling ‘yan?”
“Mga kagaya ko, tingnan mo, nakasuot ng malinis at desenteng damit ngunit kung susuriin mo ang kaibuturan ay walang pinagkaiba sa dumi ng lipunan.” Matalinghagang sagot ni Eunice.
“Ano handa ka na?” Ibang tanon ni Eunice.
Walang imik na sagot ni Marlon na hudyat na magiging malalim ang gabing iyon.
Iniabot ni Eunice ang malutong na salapi sa tindera sabay sabing:
“Sayo na ang sukli.”
“Tara na!”
Dinala ni Eunice si Marlon sa isang sikat na hotel na pangarap ng kanyang mga kaibigang matuluyan tuwing sila’y maghahanap buhay.
Bumaliktad ang ayos at kapaligiran sa pagpasok ni Marlon, tila panibong mundo ang kanyang nasilayan. Maraming muwebles ang makikita sa paligid, makikinis ang papag, may makikinang na ilaw at maaliwalas na konstruksyon ang gusali.
Inupahan nila ang isang silid sa ika-pitong palapag.
Sumakay sila sa kwadradong silid na magtaas ng kanilang mga katawan tungo sa kaligayahan.
Pumasok ang dalawa sa silid at inisirang maigi ang pintuan.
Nagsimulang gumalaw ang kanilang mga kamay, sumasabay sa kumpas ng musika na dahan-dahang magtatanggal ng kanilang mga baro. Magpapainit sa malamig nilang katawan, huhugas sa tuyong balat at magtatayo nang bagong buhay.
Tumataas ang libido na dumadaloy sa kanilang hubad na katawan, ito’y magpapaangat patungo sa pansamantalang langit ‘di batid ang suliranin nang mundo. Ang kanilang mga katawan ay naglapat at nagkiskisan, ang kangina’y walang mantsang seda ay mababhiran ng likido at kukusot sa maayos nitong pagkakatupi.
Sila ay magiging hari at reyna ng kanilang mundo sa kadiliman at sa pagtama ng sikat silay magigising tangan ang bagong pananabik. Sa bawat paggalaw ng orasan isang yugyog ang kapalit na dahan-dahang papawi ng kanilang lakas.
Ang Lipunan at si Magdalena
Ito’y nakapaglalarawan ng iba’t ibang anino ayos sa kaukulan. Sa kasal, ito’y pag-ibig, kabanalan sa altar, laswa sa leeg ni Magdalena, at sa puntod –pighati.
Sinag ng araw sayo’y tatama
Mahapding sikat magpapaunawa
Hangging sangkap muling magtataglay
Gigising sa diwang naglalakbay
-Batang Mapagmasid, Man Lamang
Panibagong araw ang dumating na nagpagising sa binata. Ang kanyang katawan ay matatagpuan walang malay at nakadapa sa sedang pinuno ng likido ng kaligayahan.
Alas dies nang siya’y magising, siya na lamang ang natatanging tao sa silid. Ang kanyang kadaupang-palad ay lumisan upang suungin ang bagong araw.
Siya ay tumindig sa malaking balintataw ng silid. Pinagmasdan niya nang buong kisig ang kalunsuran, napangiti dahil siya ngayo’y nangingibabaw sa sansinukuban at nagpasimangot dahil muli siyang bababa at pagmamasdan ng taong nasa kinatatayuan niya.
Nagsimulang pumatak ang tubig sa kubeta, ito’y lilinis sa kanyang maduming katawan ngunit hindi sa kanyang budhing itim. Ang dampi nang malambot na tela ay sisipsip sa bawat patak ng tubig na nakadikit sa kanyang balat.
Iniwan ang rurok ng gusali at sa kanyang pagtapak sa patag na lansanggan hindi na niya maikukubli na siya’y kabilang rito.
Tinahak niya daan patungo sa lunduyan ng Plaza Salve, sabik na masilayan ang kanyang mga kaibigan at ibahagi ang ginhawa sa loob ng gusaling pinuntahan. Ang kanyang sikmura ay nagsimulang gumiling, kinapa ang bulsang kangina’y walang-wala ngunit ngayo’y punong-puno ng salapi.
Nakita niya ang tatlo niyang kaibigang kasalukuyan paring nakahimlay. Ginising niya ang mga ito bungad ang magandang ngiti sa tulong ng mainggay na lunsod.
Beep beep!, brit briiitt!, krugg truugg krug!!
“Gising na, Odeng!.. Julius!.. Jenny!.. “
Kapansin-pansing wala sa tatlo si Atang.
“Aaaaa, O, kumusta? san ka galling?” Maligayang tanong ni Julius.
“Eto pumasok sa trabaho.”
“Ayuuss, libre naman!” Kantsaw ni Odeng.
“Sige ba! Masarap pala ang maraming kwarta halos lahat mabibili mo.”
Matapos iligpit ang maitim na karton na kanilang pinaghigaan, agad na nagtungo ang apat sa lugawan ng San Felipe.
Muling nasilayan ni Marlon si Angie na nagtatakal sa lomi para sa mga parokyano. Sinalubong naman ni Angie ng magandang ngite ang binata.
“Anung sanyo?” Malakas na tanong ng kapatas na tindera.
“Apat na lomi, apat na itlog at dalawang tokwa!” Nagmamalaking order ni Marlon.
“Kumita ako ng malaki kagabi kaya marami akong kwarta!” Patuloy ng binata.
Maririnig ang malakas na tinig ng radyo sa paligid.
Tampok na naman ang isang biktima ng pamamaslang at panghoholdap‘di kalayuan sa kanilang kinakainan. Isang binatilyo na may sunog na balat, makapal na kilay, malaking masel ang pinagsasaksak ng apat na di pa kilalang kalalakihan kaninang madaling araw tangay ang pera ng biktima.
Daglian itong naging laman ng usap-usapan nang mga nakarinig ng balita.
Iniabot ni Angie ang apat na maitim na basong tubig sa kanila na mukhang hindi pa maayos ang pagkakahugas.
“Kawawa naman yung lalaki.” sambit ni Angie.
Itoy lubhang nagpaalala kay Marlon lalo na’t hindi pa niya nasisilayan si Atang sa buong magdamag.
Agad na nagtungo ang binata sa pinkamalapit na punenarya ng Magdalena upang kilalanin ang biktima.
Sa kanyang pagpasok agad niyang nakita ang isang maluwag na silid na may nakalagak na kabaong wala man lamang bumibista. Agad niya’y inaninag ang kahon ngunit hindi iyon ang kanyang hinahanap.
Tinungo ng binata ang morgue.
Tikom na tikom ang kanyang bibig. Kulay tingga ang kanyang magkapatong na mga kamay at makikita ang kalungkutan sa kanyang mukha –panatag na katawan ni Atang nakahimlay sa nanlilimahid na semento.
Kumagat sa gilid ng semento ang mga daliri no Marlon. Hindi niya matanggap ang mga pangyayari at biglaang tumulo ang luha sa kanya mga mata. Nakatayo sa likuran niya sina Jenny, Odeng at Julius pare-pareho ang nararamdaman ng bawat isa para kay Atang.
“Kayo ba ang kamag-anak niyan?” Tanong nang lalaki sa morgue.
Walang tugon ang magkakaibigan.
“Kailangan niyo nang kunin ‘yan kundi siya’y pag-aagawan at pag-aaralan ng mga estudyante ng medisina sa mga pamantasan.” Dagdag ng lalaki.
Agad na nagpagalit kay Marlon dahilan upang ambahan ng suntok ang lalaki.
Napaupo ni Julius si Marlon bago siya umalis, ngunit nang bumalik siya makaraan ang mahigit limang oras ay dinatnan niyang nakatayo na naman si Julio sa tabi ng bangkay.
“Labas muna tayo,” sabi ni Jenny. “Hindi pa tayo naghahapunan. Mag-aalas-syete na.”
“Hindi ako nagugutom.”
“Kahit kape lang tayo.”
“Ikaw nalang.”
Mahigit sampung libo ang kanilang kailangan upang mailabas si Atang sa Magdalena. Batid ni Marlon na kulang na kulang ang kanyang kinita upang matubos ang labi ni Atang at maipalibing ito nang maayos.
Si Marlon ay pansamantalang lumabas upang magpahangin, ngunit ang dampi ng mainit na hangin sa kanyang mga pisngi ay lalong nagpalungot ng kanyang nararamdaman.
Alas-tres na nang umaga nang magbalik ang apat sa Magdelena upang subukang ilabas si Atang. Pagpasok nila sa silid, ang sementong pinagpatungan ni labi ni Atang ngayon ay bakante na.
“Kinuha na ang labi niya ng isang pamantasan.” Bungad ng lalaki.
Ito’y nagpagalit lalo kay Marlon.
“Bakit hindi kayo sa amin nagpalaam?” Galit niyang tanong.
“Alam naming hindi niyo matutubos ang bangkay at wala kayong pruweba na kayo nga ang kamag-anak ng biktima” Paninindigan ng lalaki.
Lalong bumuhos ang luha ni Marlon. Nailayo nina Jenina ang nagluluksang damdamin ni Marlon sa punenarya.
Kordero ay Humayag
Takip silim muling nagsapit
Ikaw ay lalamuning pilit
Sa buhos ng ulang kaylupit
Mga kamay mapapakapit
Lingid sa iyong kaalaman
Buhay na baino s’yang pain
Burak sayo’y maglulubog
Lulunod sa katawang lamog
-Batang Mapgmasid, Pasig ngayo’y umaapaw
Takipsilim na nang makabalik kasabay ang alingawngaw ng kampana ng San Felipe. Ang mga kaluluwang nakapaligid dito ay tila umaawit sa kordero ng liwanag.
Muling nagsapit ang dilim at ang kadumihan ng lunsod ay muling maghahari. Ang mga kaitiman nito ay panghabambuhay na umiikot pagkat may mga kabataang tulad ko ang inaampon ng lunduyang ito. Sila ay nagsisiawitan at sumasayaw na parang pipit na nagtatawag ng parokyanong tutuka sa lugmok nilang katawan.
Lumapit ang bagong mukha sa kanyang katawan, inalok muli siyang makasama sa buong gabi at gamitin ang katawan niyang lupaypay dulot ng lipunang mukmok. Ang saplot niyay huhubaran, ang katawan niya’y pagpipiyestahan ngunit hindi kailanman nila mauunawaan ang tunay na kalagayan ng kanyang katawang may kanser. ‘Pagkat ito’y tinatakpan ng matatayog at makikinang na gusaling tinitingala ng bawat napapadaan dito.
Nagdilim ang kanyang paningin, sa pagkurap nahugot sa bulsa ang kamay ni Marlon at ang umigkas na talim ng nikilado, pinduting lanseta ay kumurap sa liwanag. Saglit na dumaan ang talim sa leeg ng kanyang parokyano. Umagos ang pulang malabnaw sa sedang kagabi’y pinatakan ng likido ng ligaya. Sumugod si Marlon palabas ng matayog na gusali, hawak hawak parin ang lansetang kumitil sa isang pulitiko ng lunsod.
Ang taumbayan ay napapatabi sa kanyang nilalakaran, sila ay pansamantalang yumuko upang makita ang tunay na kalagayan ng lunsod at hindi ang matatayog na gusali at monumentong mapanlinlang.
Sa kanyang likuran, tatlong putok ang narinig.
“Pook!.. Took!.. Pang!...”
“Napatay si Mayor!” malakas na sigaw mula sa tumatakbong guwardiya ng hotel na pinanggalingan ni Marlon.
Tinamaan ang binata sa kanyang likuran, ngunit walang pagtatangkang paglaban sa mga kawal.
“Tabi kayo riyan! Tabi kayo riyan!” pang-abot na salita ng mga guwardiya.
“Sabay-sabay ang lapit!”
“Hindi makakapaglag ‘yan!”
Sumayaw sa hangin ang mga sandata at ang lupa ay diniligan na naman ng dugong malabnaw.
Napansin ni Marlon na malapit nang matapos ang tinatayong monumento sa lunduyan. Narinig niya na bukas nakatakdang palitadahan at lilinisin ang mantsang nakadikit dito, sa makalawa, ang mga pulitiko at publiko ay magtitipon upang ipagkapuri ang batong pigura. Sa ikatlo, ang mga tao ay muling maglalakad nang nakatingala upang pagmasdan ang walang buhay na parte ng lungsod na ito.
2 kumentaryo:
mahusay! lalo na ang bahagi na tumalakay sa makamundong iniaalok ng lipunang ito sa mga batang uhaw sa maraming bagay - Buhay ang Plaza Salve.
magaling. (:
-BOK via http://www.boredamn.com/
applause, galing mag tagalog... hehehehe Pinoy na pinoy talaga...
Comment by: The Rookie Blogger
Post a Comment